Sunday, June 14, 2009

Military reports, propaganda lamang - MILF

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / June 13 2009) – Binansagan na propaganda ng Moro Islamic Liberation Front ang ulat ng militar na 10 rebelde ang nasawi sa labanan sa magulong lalawigan ng Maguindanao sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sinabi ni Eid Kabalu, isang senior MILF leader, na pawang mga palabas lamang ng military propagandists ang ulat at wala umano itong katotohanan.
"Every time the 6th Infantry Division comes out with a press release, you see MILF casualties in their reports. Even activities by criminals are blamed on the MILF. That's not psychological warfare, but propaganda to cover up for the military's human rights violations and its failure to defeat the MILF," ani Kabalu.

Idinagdag pa nito na walang maipakitang body counts o mga bangkay ang 6th Infantry Division sa bawat balitang ipinamumudmod nito sa media. Tinukoy pa ni Kabalu ang mansion ng isang pulitiko sa Maguindanao na illegal na kinupkop ng mga sundalo sa hinalang pagaari ito ni MILF commander Ameril Kato.

Sinabi ng 6th Infantry Division na 10 rebelde ang nasawi kamakailan sa labanan sa Maguindanao at nauna doon ay 30 rin ang inulat nitong napatay ng mga tropa. Ginagamit umano ng 6th Infantry Division ang media sa propaganda nito.

Sa kabila nito ay inanunsyo naman ni Pangulong Gloria Arroyo na bubuksan nitong muli ang naudlot na peace talks sa MILF. Bumagsak ang peace talks matapos na madiskaril ang Muslim homeland deal na nilagdaan ng peace panels sa Malaysia nuong Hulyo ng nakaraang taon.

Ngunit ayon naman sa ibang mga MILF commanders ay taktika lamang ni Arroyo ang pagbubukas sa peace talks upang makapagkampanya ang mga administration candidates sa ARMM at ibang bahagi ng Mindanao para sa halalan sa susunod na taon. (Mindanao Examiner)

No comments: