Wednesday, June 17, 2009

Opensiba vs. Sayyaf patuloy sa Sulu

ZAMBOANGA CITY, Philippines (Mindanao Examiner / June 17, 2009) – Patuloy pa rin ang opensiba ng militar at pulisya kontra Abu Sayyaf sa lalawigan ng Sulu, ngunit maugong ang balitang baka mapalaya na sa lalong madaling panahon ang bihag ng mga bandido na si Red Cross worker Eugenio Vagni.

Nasa Indanan ang konsentrasyon ng opensiba dahil sa laki ng grupo ng Abu Sayyaf sa ilalim ni Dr. Abu at Albader Parad. Nasa grupo rin ang ilang mga teroristang miyembro ng Jemaah Islamiya at hinihinalang may hawak kay Vagni.

May balita rin napalaya na umano si Vagni, ngunit itinanggi naman ito agad ng Western Mindanao Command at sinabing wala itong katotohanan.

“Wala pa as far as I know,” ani naman ni Lt. Steffani Cacho, tagapagsalita ng militar, sa panayam ng Mindanao Examiner.

Si Vagni ay dinukot nuong Enero 15 kasama si Swiss national Andreas Notter at Pinay na si Mary Jean Lacaba. Naunang pinalaya sina Lacaba at Notter sa hindi pa malamang kadahilanan, ngunit may hinalanang ransom ang naging kapalit nito.

Ilang ulit naman itinanggi ng Red Cross na may ransom ang pagalaya ng dalawa. (Mindanao Examiner)

No comments: