Friday, July 24, 2009

Malakanyang, Alarmado na!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 24, 2009) - Alarmado ang Malakanyang matapos na manawagan si dating Defense chief Avelino Cruz sa mga sundalo na maging tapat sa tungkulin at Konstitusyon at huwag sundin ang anumang ilegal na utos.

Kaliwat-kanan agad ang batikos na inabot ni Cruz sa mga tagapagsalita at opisyal ng Malakanyang at ilang kaalyadong pulitiko. Maging ang kanyang pagkatao at pagiging abogado at dating miyembro ng Arroyo administration ay idinamay na rin. Iniugnay pa si Cruz sa isang presidential candidate at sa oposisyon.

Sa forum kamakailan ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi ni Cruz na posibleng manatili si Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang puwesto at ang kumakalat na pangamba ng publiko na maaring mag-deklara ito ng martial law upang masiguro ang kanyang pananatili sa Malakanyang. Sinabi naman ng mga sundalo sa Zamboanga City na mananatili ang kanilang katapatan sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi susundin ang anumang ilegal na kautusan.

"Kami po at tapat sa aming tungkulin. Walang ibang susundin kundi ang aming sinumpaang tungkulin sa bansa at sa Konstitusyon. Hindi po namin kayang sikmurahibn ang anumang iuutos sa amin na bawal," ani ng isang sundalo ng army na siyang tumatayong tagapagsalita ng isang grupo ng mga enlisted personnel sa Zamboanga.

Nakatakdang bumaba sa kanyang puwesto si Arroyo sa susunod na taon, ngunit isinusulong rin mga kaalyado nito sa Kongreso ang pagpapalit ng Konstitusyon at gawin parliamento ang pamahalaan. May balitang tatakbo rin si Arroyo sa Pampanga bilang kongresista kung sakaling hindi matuloy ang martial law at kung ito’y manalo ay maaring hirangin ng mga kakampi bilang Prime Minister.

Si Cruz ay nag-resign nuong 2006 bilang Defense chief matapos na pag-initan ng Malakanyang dahil sa hindi pagsunod diumano sa ilang mga kagustuhan ni Arroyo. Si Cruz na yata ang pinaka-respetadong pinuno ng National Defense at mataas pa rin ang respeto sa kanya ng militar dahil sa pagiging tapat nito sa malinis na hangarin nito.

Ibinunyag rin ni Cruz ang pagpalit-palit ng mga heneral sa Armed Forces of the Philippines sa kagustuhan ni Arroyo upang matiyak ang loyalty ng mga ito sa kanya at masigurong hawak ng Pangulo ang ibat-ibat sangay nito. Maging ang Korte Suprema ay pinatatakbo na rin ng mga kaalyado ni Arroyo.

May ugong rin na posibleng magdeklarang muli si Arroyo ng Presidential Proclamation tulad ng PP 1017 na kung saan ay inilagay sa state of emergency ang bansa upang pigilin ang anumang protesta at rally. Iniuugnay naman ng mga militanteng grupo sa militar ang mga pagsabog ng bomba sa bansa bilang bahagi ng plano ni Arroyo sa martial law. Itinanggi naman ito ng Malakanyang.

Ayon sa mga militanteng grupo ay posibleng magkaroon muli ng People Power revolution kung sakaling magdeklara ng martial law si Arroyo. Masusi rin binabantayan diumano ng Estados Unidos ang anumang paglabag sa demokrasya sa bansa. (Mindanao Examiner)

No comments: