Sunday, October 18, 2009

Sayyaf, MNLF palaban pa rin sa militar

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / October 18, 2009) – Sa kabila ng pagmamalaki ng militar na nadaig na nito ang Abu Sayyaf ay patuloy naman sa paghasik ng karahasan ang nasabing grupo sa lalawigan ng Sulu.

Maging ang Moro National Liberation Front ay nakikipaglaban na rin sa militar dahil sa paglulunsad ng mga sundalo ng opensiba nuong Setyembre habang nagdiriwang ang mga Muslim ng Hari Raya matapos ng halos isang buwan Ramadan.

Isa umanong pagyurak sa Islam ang ginawang opensiba ng militar sa Sulu kung kaya’t maraming nag-alsa at nagalit sa Armed Forces. Lalong nawalan ng tiwala ang mga Muslim sa sundalo at militar, at gayun sa puwersa ng mga Kano na siyang nagbibigay ng intelligence sa Armed Forces ukol sa mga rebelde.

Ilang ulit na ipinagyayabang ng militar na “on the run” ang Abu Sayyaf at maraming lider nito ang napatay dahil na rin sa tulong ng mga daan-daang Kano sa Sulu na bahagi ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na mas kilala sa Pentagon bilang “Operation Enduring Freedom-Philippines.”

Kaliwa’t kanan ang pambobomba ng Abu Sayyaf at MNLF sa mga tulay sa Sulu na lalong nagpapahirap sa militar na makapagpadala ng mga puwersa sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.

Sa panig naman ni Marine Major General Benjamin Dolorfino, pinuno ng Western Mindanao Command, ay sinabi nitong walang kakahayan ang mga rebelde sa Sulu na manaig sa puwersa nito. Sinabi rin nito na mahigit sa tatlong dosenang rebelde na ang napapatay sa Sulu, ngunit dalawang bangkay lamang ang nabawi ng mga tropa, samantalang mahigit sa isang dosena na ang casualties ng militar.

“Hindi naman nila tayo kaya eh. Alam nila yun,” ani Dolorfino, na minsan ng binihag ni MNLF commander Ustadz Habier Malik sa Sulu Kasama ang ilang mga opisyal ng Department of Defense nuong 2007.

Ang grupo rin ni Malik ang siyang kalaban ngayon ni Dolorfino na dating Kristiyano ngunit nagpa-convert sa Islam. (Mindanao Examiner)

No comments: