Friday, October 09, 2009

Tsinoy, pinatay sa Zamboanga City

ZAMBOANGA CITY, Pilipinas (Mindanao Examiner / Oktubre 9, 2009) – Isang Tsinoy ang binaril at napatay Biyernes ng umaga ng mga di-kilalang armado sa Zamboanga City at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo nito.

Sinisipat naman ng militar kung ang pagpatay kay Kenny Ng Hao ay isang bigong kidnapping o robbery. Binaril ito dakong alas 11.15 ng umaga sa Barangay Arena Blanco, ayon kay Marine Major Ramon David Hontiveros, tagapagsalita ng Western Mindanao Command.

“The suspects are still at large and the motive cannot be ascertained as of this time whether it’s robbery or (failed) kidnap-for-ransom,” ani pa ni Hontiveros sa pahayagang Mindanao Examiner.

Ngunit ayon naman sa pulisya ay posibleng robbery ang motibo dahil nawawala umano ang dalang pera ni Hao na nakalagay sa kanyang belt bag. Isa umanong ahente ng sigarilyo si Hao at posibleng natiktikan itong may salapi.

Naiwan rin ang truck ni Hao sa lugar. Walang umako sa atake, ngunit nabawi umano ng pulisya ang mga basyong bala ng .45 pistol. (Mindanao Examiner)

No comments: