COTABATO (Mindanao Examiner / December 20, 2009) Unti-unti na umanong bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Maguindanao province, isang buwan matapos ng massacre ng 57 katao na ibinintang sa angkan ng Ampatuan.
Kabilang sa mga pinatay ay 30 journalists na kasama sa convoy ng asawa at kamag-anakan at supporters ni Buluan vice mayor Esmael Mangudadatu, na kandidato sa pagka-gubernador sa Maguindanao.
“Normal na ang takbo ng buhay ng mga tao ngayon sa Maguindanao, pero patuloy pa rin ang paghahanap natin sa mga armed supporters ng mga Ampatuan na kasama doon sa pagpatay,” ani Colonel Jonathan Ponce, tagapagsalita ng 6th Infantry Division.
Sinasabing mas tahimik ngayon ang Maguindanao matapos na makulong ang gubernador nito na si Andal Ampatuan Sr., at mga anak na sina Zaldy Ampatuan, ang gubernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao; Datu Unsay town mayor Andal Ampatuan, na siyang itinuturong mastermind sa massacre at ilan pang mga kapatid at kamag-anakan.
Nabawi rin ng militar at pulisya ang mahigit sa 1,000 mga matataas na armas at halos kalahating milyong bala na pinaniniwalaan na pagaari ng mga Ampatuan sa bayan ng Shariff Aguak.
Isa-isa na rin naglalabasan ang mga saksi sa massacre at itinuturo si Andal Jr. na siyang nanguna sa pagpatay. Kaaway sa pulitika ng mga Ampatuan ang Mangudadatu at si Andal Jr. ay sinasabing tatakbo rin sa pagka-gubernador sa Maguindanao bilang kapalit ng ama.
Sa darating na Miyerkoles ay magtitipon naman ang mga journalists sa Zamboanga City at magpapapakawala ng mga itim na lobo bilang pag gunita sa mga pinaslang na media workers at ang paghingi ng hustisya sa malagim na sinapit nuong Nob. 23 sa bayan ng Ampatuan na kung saan ay walang awang pinagbabaril ang mga biktima at saka inilibing sa tatlong mass graves. (Mindanao Examiner)
Sunday, December 20, 2009
Maguindanao, balik-normal na!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment