Friday, December 04, 2009

"Massacre Land" Isasailalim Sa Martial Law!




Mga larawan kuha ngayon araw sa lungsod ng General Santos na kung saan ay inilagak na sa huling hantungan ang labi ng mga pinatay na journalists. (Mga kuha ni Cocoy Sexcion)



GENERAL SANTOS (Mindanao Examiner / Disyembre 4, 2009) – Isasailalim umano sa isang state of martial law ang buong lalawigan ng Maguindanao upang lalong mapabilis ang pag-aresto sa mga nasa likod ng tinaguriang “Maguindanao Massacre” na kung saan ay 57 katao, kabilang ang 30 journalists ang walang pinatay nuong nakaraang linggo.

Inulat ng ABS-CBN na Mismong si Pangulong Gloria Arroyo ang nag-utos na ilagay ang Maguindanao, isa sa limang lalawigan ng Muslim autonomous region, sa martial law at nakatakda umano itong isakatuparan sa mga darating na araw.
Ito’y matapos na mahukay ang napakaraming armas at bala sa isang bakanteng lote na malapit sa mga mansion ng governor ng Maguindanao na si Andal Ampatuan Sr., at ng anak nitong si Zaldy Ampatuan, ang governor naman ng Muslim autonomous region.

Nasa bilanguan na ng National Bureau of Investigation si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., na siyang itinuturong utak sa pagpatay na naganap nuong Nob. 23 sa bayan ng Ampatuan. Ilang mga clan member pa, kabilang ang kapatid ng suspek na si Sajid Ampatuan, ang vice governor ng Maguindanao, ang isinabit sa kaso matapos na lumutang ang ilang mga saksi.

Itinanggi ng mga Ampatuan ang lahat ng akusasyon sa kanila.

Sa ulat pa ng ABS-CBN ay sinabi nitong si Army Col. Leo Ferrer ang tatayong military governor sa buong Maguindanao. Kapag naisailalim sa martial law ang Maguindanao ay aarestuhin ang mag-aamang Andal, Zaldy at Sajid, gayun rin ang iba pang suspek sa massacre.

Hindi naman agad ito makupirma dahil walang opisyal ng militar na gustong umamin sa nasabing kautusan ni Arroyo, na kilalang alyado ng mga Ampatuan. Galit umano si Arroyo sa naganap na pagpatay at sa pagkakadiskubre ng Maraming mga armas sa bayan ng Sjariff Aguak na pinaghihinalaang pagaari ng mga Ampatuan.

May ulat pang kasamang nahukay ang mga election paraphernalia, ngunit hindi naman mabatid kung may katotohanan ito at kung sa mga Ampatuan rin ang nasabing propaganda.

Napatay ang 57 katao, kabilang ang asawa at dalawang kapatid, hipag at supporters ni Buluan town Vice Mayor Esmael Mangudadatu na kalaban sa pulitika ng mga Ampatuan at kandidato sa pagka-governor ng Maguindanao.

Maghahain sana ang asawa ni Mangudadatu ng kanyang certificate of candidacy at iko-cover ng mga journalists ng sila’y harangin sa Shariff Aguak ng mga parak, militias at private army ni Ampatuan Jr. at dinala sila sa bayan ng Ampatuan na kung saan sila pinagbabaril at inilibing sa 3 mass graves.

Kahapon ay inilibing na ang walo sa mga journalists sa General Santos City at doon ay daan-daan mga sibilyan, kaanak at kaibigan ang nagdala sa mga ito sa kanilang huling hantungan.

Hustisya pa rin ang iyak ng mga pamilyang naulila at gayun rin ang Maraming media groups at publiko. Kung anong ingay ng hinagpis ng publiko sa pagkakapaslang sa 57 katao ay halos wala naman marining sa mga opisyal ng Maguindanao at ng Muslim autonomous region o sa legislative assembly nito ng pagkondena sa massacre at maging ang mga Muslim groups na noon ay kaliwa’t-kanan ang batikos sa militar at pamahalaang ay mistulang natahi ang mga bibig.

Ang Moro Islamic Liberation Front naman ay tahasang lumabas at kinondena ang massacre at inginuso ang mga Ampatuan. Marami umanong mga taga-Maguindanao ang lihim na nagdiriwang sa unti-unti pagguho ng ankan ng mga Ampatuan na kilalang warlord diumano sa Maguindanao. Ilang ulit na rin itong itinanggi ng mga Ampatuan. (Mindanao Examiner)

No comments: