Sunday, January 03, 2010

Maguindanao masaker suspects, may VIP treatment!

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / January 3, 2010) – Ipinaiimbestigahan ng mga media groups at kaanak ng 57 kataong pinaslang sa Maguindanao ang diumano’y special treatment na ibinibigay ng pulisya sa mga massacre suspects sa General Santos City.

Ito’y matapos na mahuli sa akto ng media ang VIP (very important person) treatment ng Criminal Investigation and Detection Group ng pulisya sa apat na miyembro ng Ampatuan clan na isinabit sa kaso.

Nasa piitan ng CIDG sa General Santos City si Zaldy Ampatuan, ang governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao; at kapatid na si Sajid Ampatuan, Anwar Ampatuan, ang mayor ng Shariff Aguak, at Akmad Ampatuan, ang vice governor ng Maguindanao.

Nahaharap ang apat sa kasong inihain ng Department of Justice kaugnay sa brutal na pagpatay sa 57 katao nuong Nob. 23 sa Maguindanao. Kabilang sa mga walang-awang pinatay ay 31 journalists na sumama lamang sa convoy ng asawa ni Buluan vice mayor Esmael Mangudadatu na Maghahain sana ng certificate of candidacy ng pulitiko ng sila’y harangin, dukutin at saka minasaker.

Nananawagan ang mga ibat-ibang grupo ng media sa Philippine National Police na iimbestigahan ang VIP treatment ng mga Ampatuan sa kanilang piitan. Ang mga Ampatuan ang isa sa mga pinakamayamang ankan sa Maguindanao at isa sa mga kinakatakutan sa Mindanao.

Naunang ipinagbawal ng CIDG sa General Santos City ang mga kagawad ng media na magtungo doon upang makita ang mga Ampatuan at dahil dito ay lalong nagduda naman ang mga media na may “milagarong” nagaganap sa selda. Posible rin umanong sa mga air conditioned room natutulog ang mga masaker suspects.

Maging ang kampo ng militar sa Davao City na kung saan naroon si Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., ay pinaiimbestigahan na rin dahil sa VIP treatment rin na ibinibigay sa kanya. Nasa piitan naman sa National Bureau of Investigation sa Maynila si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr., na siyang itinuturong utak diumano sa masaker. (Mindanao Examiner)

No comments: