MAYNILA (Mindanao Examiner / Mar. 9, 2010) - Pormal ng magsasampa ng reklamo ang pamilya ng Pinoy interpreter ng US Forces na di-umanoy nagpakamatay sa barracks ng US Forces sa Camp Ranao ng Philippine Army's 103rd Infantry sa Marawi City, ayon sa mga human rights groups.
Si Gregan Cardeño, 33, ay natanggap bilang interpreter ng US Forces na nagsasagawa ng Balikatan at umalis noong Pebrero 01 nitong taon at kasama ang mga US Troops patungong Camp Siongco sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao province.
Laking gulat na lang ng pamilya ng mapag-alamang sa Marawi City pala ito dinala. Sa huling tawag nito sa kanyang asawa at kapatid ay nabanggit niyang hindi interpreter ang pinapatrabaho sa kanya kaya’t gusto niya nang umuwi.
Kinaumagahan, Pebrero 03, sa pamamagitan ng tawag ng pulisya ay nalaman ng pamilya ni Gregan na nagbigti umano ito gamit ang sariling kumot, ngunit ang malaking ipinagtataka ng mga nagdadalamhating pamilya ay kung bakit may mga tusok sa paa at sugat sa leeg at ulo si Gregan na tila dumanas ito ng tortyur.
Dahil hindi kumbinsido ang pamilya ni Gregan, nagsagawa sila kasama ang mga human rights group (Justice for Gregan Cardeño Movement) ng Fact-Finding Mission noong Marso 03 sa Marawi City. Nakunan ng fact-finding mission team ang Philippine National Police, 103rd Infantry Brigade at US troops team leader na nakilala lamang sa pangalan Capt. Kaye ng magkakaibang salaysay kaya’t mas lalong nakumbinsi ang grupo na hindi nagpakamatay ang biktima kung hindi may foul play na nangyari.
Dismayado rin ang fact-finding mission team lalo na ang pamilya ng hindi pumayag ang US troops na makapasok sa US barracks ang pamilya upang makita ang kwarto ni Gregan kung saan nangyari ang insidente.
Isasampa ng pamilya ng biktima ang reklamo sa tanggapan ni Commission on Human Rights Chairperson Leila de Lima upang maimbestigahan ng husto ang pagkamatay ni Gregan.
Nanawagan rin ang pamilya sa mga kinauukulan na magsagawa ng malayang imbestigasyon upang mabigyang linaw ang nangyari kay Gregan at papanagutin kung sinuman ang mapapatunayang may kinalaman o responsable sa pagkamatay ni Gregan.
Ilang ulit ng na-eskandalo ang tropa ng mga Kano sa Mindanao dahil sa ibat-ibang kaso mula sa akusasyon ng rape ng isang Pinay na tubong-Zamboanga hanggang sa mga paglabag sa karapatang pantao sa nasabing rehiyon.
Wednesday, March 10, 2010
Tropang Kano, na-eskandalo na naman sa Mindanao
Labels:
Gregan Cardeno,
JSOTF-P,
Marawi City
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment