ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 25, 2010) – Banas na umano ang maraming mga opisyal ng militar at pulisya sa kayabangan at ka-arongantehan ng mga Amerikanong sundalo na nasa Mindanao.
Ito ang ibat-ibang sinabi ng mga sundalo at parak na naka-trabaho o kasama ng mga dayuhang tropa ng Joint Special Operations Task Force-Philippines na naka-base sa Zamboanga City.
Ilang beses na rin umanong muntik magkapikunan at magsuntukan at nagkaroon rin ng tutukan ng baril sa ilang mga pagkakataon dahil sa pangaabuso ng mga Kano at hindi pagrespeto sa mga alituntunin ng mga kampo ng militar sa Basilan, Sulu, Zamboanga, Marawi at iba pang lugar sa Mindanao na kung saan ay naka-deploy ang mga dayuhan.
“Mayayabang yang mga Puti at kung umasta eh akala mo Amerika ang Pilipinas. Mga arogante at parang mga hudyo, akala mo kung sino,” ani ng isang sundalong Pinoy.
Madalas rin umanong utus-utusan ng mga Kano ang mga sundalo na mistulang mga alila sa kanilang mga kampo na kung saan ay off-limits rin ang mga opisyal ng militar maliban lamang kung may passes ito.
“Kaya hindi na kami (nagulat) ng pumutok yun balita sa media na kahit may flag ceremony sa WestMinCom (Western Mindanao Command sa Zamboanga City) ay hindi man lang tumigil ang sasakyan ng mga Kano upang i-respeto ang ating watawat at ang (flag) ceremony. Bastos talaga ang mga yan,” dagdag pa ng sundalo.
Na-eskandalo rin kamakailan ang mga Kanong sundalo sa Basilan matapos na mambastos doon ng mga sundalong Pinoy sa kasagsagan ng selebrasyon ng Philippine Marines.
May balita rin na madalas pagtakpan ng ilang matatas na opisyal ng Philippine Navy at Western Mindanao Command ang mga pangaabuso ng mga Kano dahil sa tulong na ibinibigay ng JSOTF-P sa mga sundalong Pinoy.
Bihira na ang training ng mga Kano at Pinoy, ngunit nasa Zamboanga ang mga dayuhan mula pa nuong 2001 at nuong 2006 ay Naglagay pa ito ng dagdag na kampo sa bayan ng Jolo sa Sulu at gayun rin sa Basilan, Marawi at iba pang mga lugar upang tumulong sa militar sa paghahanap ng mga terorista tulad ng Abu Sayyaf at kasama rin sa operasyon kontra sa New People’s Army at Moro Islamic Liberation Front. (Mindanao Examiner)
Sunday, July 25, 2010
Kano, sobra na!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment