GENERAL SANTOS CITY (Mindanao Examiner / July 30, 2010) – Hindi umano kakanlungin ni boxing superstar at Sarangani Congressman Manny Pacquiao ang sariling kapatid na babae matapos na lusubin ng pulisya ang mansion nito sa hinalang operator ito ng pasugalan sa General Santos City sa Mindanao.
Wala naman ang suspek na si Isidra Pacquiao-Paglinawan ng lusubin ng pulisya ang bahay nito, ngunit doon ay nasamsam ang ibat-ibang paraphernalia sa sugal. Arestado rin ang 10 mga tauhan ni Pacquiao na pinaniniwalaang sabit sa Last 2, isang uri ng ilegal na sugal na talamak sa Mindanao.
“Kung may kinalaman siya dito eh...kung kailangan niyang...kung may kasalanan siya, eh di parusahan. Ganoon naman ako, walang pinipili,” ani Congressman Pacquiao sa panayam naman ng ABS-CBN Television.
Halata rin ang pagkagulat ni Pacquiao sa pangyayari ng magtungo ito sa mansion ng kapatid dahil birthday ng kanilang ama na ang bahay ay katabi lamang ng mansion ni Isidra. Matagal ng may hinala ang pulisya sa kinasasangkutan ni Isidra, ngunit kamakalawa lamang nilusob ang bahay nito.
Malaking kahihiyan naman ang dala ng eskandalo dahil sa magandang pangarap ni Congressman Pacquiao sa Sarangani at General Santos City na kung saan ay naroon ang mga bahay at negosyo ng boxing superstar.
Natuwa naman ang pulisya sa inasal ni Congressman Pacquiao at hindi nito pinakialaman ang trabaho ng mga awtoridad. At maging ang abogado nito na si Atty. Giovanni Mata ay nagsabing pababayaan nila ang batas sa kaso ni Isidra.
“I understand that the searching team will do their work. They have to continue processing the documentation,” wika ni Atty. Mata sa hiwalay na panayam ng ABS-CBN.
Itinanggi naman ng angkan ni pacquiao na may kinalaman ito sa ilegal na pasugalan. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment