Thursday, August 12, 2010

KMU kay Lucio Tan: hiling ng PAL workers, sundin

A Philippine Air Lines aircraft. (travelph.com)



MANILA - Sa gitna ng nagbabantang welga ng mga ground employees at cabin crew ng Philippine Airlines, nanawagan ngayon ang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno kay Lucio Tan, may-ari ng PAL, na kagyat na sundin ang panawagan ng mga manggagawa ng PAL. Ayon sa grupo, sumobra na si Tan sa pagpapatupad ng mga patakarang kontra-manggagawa.

“Malinaw ang mensahe ng mga manggagawa ng PAL kay Lucio Tan: itigil ang pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang patakaran. Sobra-sobra na ang dinanas ng mga manggagawa ng PAL. Ang hinihiling lang nila ay ang karapatan nila bilang mga manggagawa – para sa disenteng trabaho, seguridad sa trabaho, tamang kabayaran, at karapatang sama-samang makipagtawaran,” ani Elmer Labog, chairperson ng KMU.

“Para makahamig ng malaking tubo sa nakaraang mga taon, pinababa ni Lucio Tan ang mga sahod at benepisyo ng mga manggagawa. Ginawa niyang kontraktwal ang maraming manggagawa sa pamamagitan ng outsourcing at spinoff. Nagpataw siya ng 10-taong moratoryo sa negosasyon para sa CBA at pinalawig pa ito. Gusto nang tapusin ang lahat ng ito ng mga manggagawa,” dagdag niya.

Sa pamumuno ng PAL Employees’ Association o Palea, nagbabala ang mga manggagawa ng PAL na maglulunsad ng welga. Idinahilan nito ang planong i-outsource o i-spinoff ang mga seksyon ng operasyon ng PAL, na magtatanggal sa trabaho sa 2,600 manggagawa. Inireklamo rin ng Palea ang pagtanggi ng PAL management, sa loob ng dalawang taon, na simulan ang negosasyon sa unyon para sa isang collective bargaining agreement.

Sa kabila ng ibinibidang P80-Milyong alok sa mga flight attendants ng PAL, nagpahayag ang Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines o Fasap ng kahandaang magwelga. Idinahilan naman ng grupo ang pagtanggi ng PAL Management na ibigay ang kanilang kahilingan na itaas ang edad ng pagreretiro mula sa 40 anyos at ibasura ang umano’y “no-motherhood” policy ng PAL.

“Sa pamamagitan ng mga tagapagsalita niya sa PAL Management, idinadahilan ni Tan ang kabawasan sa tubo para ipatanggap sa mga manggagawa ng PAL at sa publiko rin ang kasalukuyang kalagayan sa PAL at ang mga hakbangin ng management na hindi naman tumutugon sa panawagan ng mga manggagawa. Kalokohan ito. Ang mga manggagawa ng PAL ang unang makakaalam kung nalulugi o kumikita ang kumpanya,” sabi ni Labog.

“Si Tan ang pangalawang pinakamayamang tao sa bansa ngayon, at patuloy pang lumalago ang kabuuang halaga niya. Malaking dahilan nito ang mapagsamantala at kontra-manggagawang mga patakaran niya sa PAL. May hangganan sa pagkaganid niya, at ito ang ipinapakita ng mga pahayag at aksyon ng mga manggagawa ng PAL. Habang nakikipaglaban siya para sa kanyang supertubo, nakikipaglaban ang mga manggagawa para sa katarungang panlipunan,” dagdag ni Labog.

Binanggit ng KMU ang isang ulat ng Forbes Asia Magazine na nagpapakitang si Tan ang pangalawang pinakamayang tao sa bansa, na may kabuuang halagang P1.9 Bilyon. Binabanggit din ng mga manggagawa ng PAL ang pagbayad ng kumpanya sa mga utang nito at ang pagbili nito ng mga bagong eroplano.

No comments: