Friday, August 13, 2010

Publiko tutol sa pagtaas ng singil sa kuryente sa Davao


Isang protesta ang inilunsad kahapon ng mga mamamayan sa Davao City upang tutulan ang panukalang taasan ang singil sa kuryente ng Davao Light and Power Company. (Mindanao Examiner Photo – Karlos Manlupig)

DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 13, 2010) – Isang protesta ang inilunsad ngayon araw ng mga mamamayan sa Davao City upang tutulan ang panukalang taasan ang singil sa kuryente ng Davao Light and Power Company.

Mismong ang grupong Bagong Alyansang Makabayan sa Southern Mindanao ang nanguna sa protesta na isinagawa sa pamilihan ng Bangkerohan. Malakas ang simpatiya ng publiko sa naturang protesta at katunayan ay maraming mamamayan ang lumagda sa isang manipesto na kumukondena sa nasabing panukala na magpapataw ng karagdagang pahirap sa bawa’t consumer ng kuryente sa Davao City.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan ay lalong magpapahirap sa ordinaryong mamamayan ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente. Mistulang sampal rin umano ito sa publiko na hindi pa nakakabawi sa pagtaas ng presyo ng gasoline at pangunahing bilihin sa Davao City.

Nanawagan naman ang nasabing grupo na ibasura ang panukala. (May karagdagang ulat nina Karlos Manlupig at Geo Solmerano)

No comments: