Wednesday, August 18, 2010

Smart Wireless Center sa Zamboanga, binatikos!


Ang Xpad laptop na inaalok ng Smart Communication sa lahat ng subscribers ng Gold Plan 1800.



ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Agosto 18, 2010) – Dumarami na umano ang nagre-reklamo laban sa Smart Communication dahil sa kapalpakan ng mga promo nito.

Isang subscriber ang lumapit sa Mindanao Examiner upang idulog ang umano’y palpak na promo nito sa mga may “retention” plan. Matagal na umanong naipangako ng Smart Communication ang isang Xpad laptop nito kapalit sa patuloy na subscription sa Smart Gold Plan 1800 ng nasabing kumpanya.

Inabot na ng tatlong buwan ay hindi pa rin naibibigay ang kanyang order ng Xpad laptop at madalas na idahilan ng Smart Wireless Center sa Zamboanga City na walang stock na dumarating.

Ngunit nabatid umano na may mga Xpads na ibinibigay ang mga Smart Wireless centers sa ibat-ibang bahagi ng Metro-Manila. “Wala talaga at mahina ang customer service ng Smart at dapat bigyan ito ng atensyon ng pamunuan ng Smart Communication sa Maynila dahil mistulang inutil ang mga nasa Zamboanga,” sabi nito.

Sa katunayan umano ay nagpalusot pa ang isang customer representative ng Smart Wireless Center sa Zamboanga at sinabing natapos na ang promo ng Xpad at bagong cell phone na lamang ang kunin kapalit ng Plan 1800 nito. Ngunit nagulat na lang ang subscriber ng magtanong ito sa Customer Service Hotline at nabatid na patuloy pa rin ang promo sa Xpad.

Hindi naman agad mabatid kung ilang mga subscribers ang may katulad na problema sa Zamboanga. Hindi naman agad matawagan ang Smart Wireless center dahil sa hirap na mapasok ang linya ng mga telepono nito at kahit isang araw mag-dial sa kanilang mga numero ay walang sasagot.

Dahil dismayado ay nagpasya ang nasabing subscriber na kumuha ng “unlimited call, unlimited text” offer ng Globe Telecom sa Zamboanga City sa halagang P599 lamang at may libreng cell phone pa. Nakuha ito isang oras lamang matapos na mag-apply. (Mindanao Examiner)

No comments: