Thursday, October 14, 2010

6 suspek sa Maguindanao gang-rape ng nurse, laya na!

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 14, 2010) – Pinalaya ng pulisya ang anim na lalaki na unang isinangkot nito sa gang-rape ng isang nurse sa bayan ng South Upi sa magulong lalawigan ng Maguindanao.

Ito’y matapos na sumuko ang isang dating militiaman na si Melchor Fulgencio at umamin na siya at isa pang kasamahang may alias na Edwin ang tunay na nasa likod ng krimen. Naganap ang pangagagahasa nuong nakaraang buwan matapos na matagpuan ang walang malay at duguang nurse sa likod ng isang pagamutan.

Sa ulat ng pulisya ay matindi ang pinsalang tinamo ng 21-anyos na biktima dahil sinasabing binagsakan ito mabigat na bagay sa mukha at posibleng tinangka pang patayin sa pamamagitan ng sakal at sa akalang wala na itong buhay ay saka iniwan.

Nasa isang pagamutan na sa Davao City ang nurse at bagamat napinsala ng husto ang kanyang ulo sa mga tinamong sugat ay dahan-dahan naman itong naka-recover sa malagim na sinapit. Subali’t hindi pa rin makausap upang mabatid kung sino ang lumapastangan sa kanya.

Sinabi ng korte sa Maguindanao na walang matibay na ebidensya laban sa anim na suspek kung kaya’t pinalaya ang mga ito. Nakatulong rin umano ang paglutang ng tunay na suspek, ngunit Isinailalim pa rin sa masusing imbestigasyon upang mapatunayang hindi ito fall guy.

Naunang lumabas sa mga ulat na isang anak na maipluwensang pulitiko ang diumano’y utak sa gang-rape. Ntgunit Iginiit naman ni Fulgencio na siya ang gumahasa at binabagabag umano ito ng kanyang kunsensya kung kaya’t sumuko sa pulisya kamakailan lamang, ngunit at-large pa rin ang kasamahang nito. (Mindanao Examiner)

No comments: