Thursday, November 04, 2010

Sayyaf humirit ng ransom sa Basilan

BASILAN (Mindanao0 Examiner / Nov. 4, 2010) – Tatlong milyong piso ang umano'y hinihinging ransom ng mga hinihinalang rebeldeng Abu Sayyaf kapalit ng kaligtasan ng isang ginang na kanilang dinukot sa Basilan province.


Ayon sa ulat ay nag-text umano ang mga kidnappers sa pamilya ni Rose Baranda gamit ang sariling cell phone ng biktima at doon nabatid na malaking halaga ng ransom ang hinihingi ng mga rebelde.

Hindi naman agad makunan ng pahayag ang pamilyang Baranda at maging mga opisyal ng Basilan at pulisya ay ayaw magbigay ng anuman impormasyon ukol sa ransom demand.

Si Baranda ay dinukot kamakalawa matapos na harangin ng mga rebelde ang pampasaherong jeep na sinasakyang nito sa bayan ng Ungkaya Pukan.

Naunang sinabi ng pulisya at militar na nasa kamay ni Nur Hassan Jamiri, isang notoryosong lider ng Abu sayyaf sa Basilan, si Baranda na may-ari lamang ng isang maliit na tindahan sa Basilan.

Sabit ang grupo ni Jamiri sa maraming kidnappings-for-ransom at terorismo sa Basilan na halos ilang milya lamang ang layo mula sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner)

No comments: