Sunday, March 06, 2011

MILF kapayapaan ang hangad sa Maguindanao!

Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu. (Geo Solmerano - Mindanao Examiner Photo)

MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2011) – Inanunsyo kahapon ng Moro Islamic Liberation Front na makikipag-usap ito sa angkan ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu upang matigil na ang sigalot at kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo dahil lamang sa lupain.

Matagal ng may alitan ang MILF at angkan ng Mangudadatu na parehong may interest sa malaking bahagi ng Buluan Lake na siyang ikatlong pinakamalawak sa Mindanao at pang-anim sa buong bansa.

Kamakailan lamang ay nagkaroon ng labanan sa pagitan ng dalawang grupo sa kapaligiran ng Buluan Lake at ilang katao ang nasawi. Parehong armado ng matataas na kalibre ng armas ang MILF at ng mga Mangudadatu na kilalang political clan sa Central Mindanao.

Nagsimula umano ang kaguluhan sa pagitan ng mga rebelde at Mangudadatu matapos na umano’y angkinin ng mayayamang datu ang lupain ng mga magsasakang Moro sa Buluan nuong pang dekada 80.
Ngayon ay sa MILF humihingi ng tulong ang maraming Moro at maging mga miyembro ng rebeldeng grupo ay may ancestral claim sa lugar na tinatayang aabot sa halos 62 kilometro kuwadrado na siyang pangunahin ikinabubuhay ng mga mamamayan.

Hindi naman agad mabatid kung payag ang mga Mangudadatu na makapag-usap sa MILF. (Mindanao Examiner)

No comments: