Sunday, May 15, 2011

Bus sumalpok sa pader, Zamboanguena patay!


CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / May 15, 2011) – Isang pampasaherong bus ang sumalpok sa pader at napatay ang isang babae sa aksidenteng naganap sa lungsod ng Butuan sa Mindanao.

Ayon pa sa mga ulat ay mahigit sa isang dosenang pasahero rin ang sugatan o nasaktan matapos na humampas ang sinasakyang bus Sabado ng madaling araw sa pader ng isang kumpanya dakong alas 2:45 ng umaga sa Barangay Tiniwisan.

Hindi pa mabatid ang dahilan ng aksidente, ngunit sinisipat na ng pulisya na posibleng nawalan ng preno ang bus kung kaya’t bumalandra ito sa pader. Patungo sanang Surigao City ang bus ng maganap ang aksidente.

Nabatid pang taga lungsod ng Zamboanga ang nasawing pasahero, ngunit hindi naman agad ibinigay ng pulisya ang panagalan nito at aabisuhan muna umano ang pamilya nito. Ngunit sa ulat naman ng GMA 7 ay nakilala naman nito ang biktima na si Cecilia Ramores, 54.

Kasama umano ng ginang ang anak na si Dominic, 18, at sinabing patungo sana sila sa burol ng lola nito sa Surigao City. Ikinuwento pa ng anak na sa sobrang pagod ng ina sa mahabang biyehe mula Zamboanga ay nakatulog ito.

Nakilala naman ang driver ng bus na si Loreto Pareja. Sugatan rin ang kunduktor nitong si Noel Salva. (Mindanao Examiner)

No comments: