Wednesday, May 25, 2011
LB Supermarket sa Zamboanga City, inireklamo!
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 25, 2011) – Isang customer ng LB Supermarket sa Zamboanga City ang nagreklamo dahil sa diumano’y ‘unfair trade practice’ matapos na biglang palitan nito ang presyo ng biniling manok habang binabayaran sa counter kaninang hapon.
Sinabi ng biktima na bumili ito ng mga grocery items at limang piraso ng malalaking manok ng ‘Hermosa’ sa halagang P115 bawat kilo na ayon sa mga presyo ng dalawang kumpanya – ang isa ay Bounty Fresh - sa naturang supermarket.
Ngunit napuna nito na ang presyo ng manok na sinisingil ng kahera sa Counter 10 ay P117.75 bawa’t kilo kung kaya’t sinabihan pa nito ang babaeng kahera na P115 lamang ang presyong nakapaskil sa freezer at agad naman itong ipinatanong sa nagbabantay doon.
Subalit laking gulat ng customer ng bumalik matapos ng ilang minuto ang inutusang bagger ng kahera at sinabing P117.75 na ang presyo ng kada-kilo ng manok. At ng balikan ng customer ang pinagkunan ng manok ay nagulantang ito dahil nawala na at tinanggal ng nakabantay doon ang price tags sa dalawang freezers ng ‘Hermosa’ at ‘Bounty Fresh’ at sabay sabing “biglang kasing nagtaas ang presyo ng manok” na tila stock exchange sa Makati City ang bilis ng palitan ng presyo na naganap lamang sa loob ng 3 minuto.
Itinago pa ng bantay ang tinanggal nitong price tags at sabay upo sa kanyang mesa sa isang sulok.
Maging ang mga supervisor sa mga counters ay nagulat rin sa biglang pagtanggal ng presyo upang palitan agad ito sa mas mataas na halaga. Idudulog umano ng biktima ang kanyang reklamo rin sa Department of Trade and Industry upang mabigyan ng proteksyon ang iba pang mabibiktima ng maling gawain.
Sinabi pa nitong bagamat hindi naman malaking halaga ang ipinaglalaban nito ay ang panloloko umano sa mga customer ang dapat tugunan ng malaking supermarket. Ipinakita rin nito ang resibo ng mga pinamili at nagbigay pa ng litrato nitong kuha lamang sa kanyang cell phone camera.Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng supermarket sa naturang akusasyon.
Ang ‘Unfair Trade Practice’ ay anumang mga fraudulent, deceptive, o dishonest trade practice na mahigpit na ipinagbabawal sa batas. (Mindanao Examiner)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment