Thursday, June 02, 2011
Barangay tanod, nasungkit ang P356M Grand Lotto jackpot!
MAYNILA (Mindanao Examiner / Hunyo 2, 2011) – Halos wala umanong tulog at matindi ang kaba ng magtungo sa Philippine Charity Sweepstakes Office ang isang 60-anyos na barangay tanod upang kunin ang kanyang napanalunan sa lotto - P356,552,917.20! Sinabi ng PCSO na isa lamang ang nagwagi sa Grand Lotto 6/55 na matagal rin tinutukan ng marami sa hangad na maging super milyonaryo matapos na lumubo ang jackpot nito.
Nabatid pang matagal rin inalagaan ng barangay tanod ang numerong 09-05-26-30-19-45 na siyang lumabas sa bola nitong Hunyo 1 lamang. Binase umano nito ang mga numero sa kanilang wedding anniversary at petsa ng mga birthdays ng pamilya.
Anim ang anak ng bagong milyonaryo.
Lupa at bahay, at negosyo agad ang balak ng barangay tanod na taga-Las Pinas at mapagtapos sa pagaaral ang mga anak. Nagpa-plano rin umanong umuwi sa kanilang probinsiya ang buong pamilya bilang siguridad, ayon pa sa PCSO.
Hindi rin pinangalanan ng PCSO ang lotto outlet na kung saan tumaya ang barangay tanod dahil baka umano mapagkamalan na ang may-ari nito ang siyang nagwagi sa Grand Lotto 6/55 draw. Ngunit P500,000 naman ang mapupunta sa outlet bilang commission.
Sinabihan rin ng PCSO ang nagwagi na ideposito agad sa ibat-ibang bangko ang malaking halaga upang masigurong nasa mabuti itong pangangalaga.
Nuong nakaraang taon ay isang balik-bayan naman ang nanalo ng P741 milyon sa Grand Lotto 6/55. Tax-free ang lahat ng napapanalunan sa lotto. (Mindanao Examiner)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment