Wednesday, June 29, 2011

Pacquiao tutol sa same sex marriage

Congressman Manny Pacquiao. (Joseph Jubelag - Mindanao Examiner Photo)


GENERAL SANTOS CITY (Mindanao Examiner / June 29, 2011) - Nagpahayag ng pagtutol si pound-for-pound king at Sarangani Congressman Manny Pacquiao sa isyu ng same sex marriage.

Katulad ng kanyang pagtutol sa Reproductive Health Bill, sinabi ni Pacquiao na ang same sex marriage ay isang malaking kasalanan sa kautusan ng Diyos. “Ang lalaki ay ginawa ng Diyos para sa mga babae at ganun din ang mga babae para sa mga lalaki,” ani Pacquiao sa pahayagang Mindanao Examiner.

Inihayag ng kongresista ang kanyang saloobin sa same sex marriage matapos ang kontrobersiyal na kasalan ng mga magkabiyak na mga gay at lesbian sa Baguio noong nakaraang linggo.

Ayon sa kongresista na kahit na maging legal pa ang same sex marriage sa bansa para sa kanya dapat mas mananaig ang batas ng Diyos kaysa batas ng tao.

Kamakailan lamang ay naging kontrobersiyal ang pagtutol ng kongresista sa panukala na RH Bill na isinusulong ng Malacanang. Nakahanap ng kakampi ang simbahang katoliko kay Pacquiao upang mapalakas ang kanilang kampanya laban sa RH Bill na ayon sa mga pari at obispo ay labag sa doktrina ng bibliya. (Joseph Jubelag)

No comments: