Sunday, July 03, 2011

Basilan Bishop handang ibalik ang SUV sa PCSO

BASILAN, Philippines (Mindanao Examiner / July 3, 2011) – Handa umano ang Obispo ng Basilan province sa Mindanao na isauli ang sasakyan ng ginagamit ng Simbahan sa mga relief at humanitarian missions nito kung igigiit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kunin ito.

Ito’y matapos na ilabas ng PCSO na maraming mga Obispo at pari ang nabigyan ng sports utility vehicle, kabilang na ang mamahaling Pajero. At kanya-kanyang tanggi ang mga ito sa bintang na nakatanggap sila sa PCSO.

Ngunit sa panig naman ni Bishop Martin Jumoad ng Basilan ay sinabi nitong handa siya na ibalik ang biniling Mitsubishi Strada pick-up truck sa PCSO kung ito’y hihingiin sa kanya ng ahensya.

“If they will ask for it then I will give it back. It’s not a big deal naman dahil we can use other vehicles sa aming mga humanitarian at relief missions dito sa Basilan,” ani ng Obispo sa panayam ng regional newspaper Mindanao Examiner.

Inamin ng Obispo na kusang nagbigay ng P1.1 milyon ang PCSO sa kanila upang magamit ng Social Action Center ng Simbahan sa mga iba’t-ibang programa nito, at sa katunayan ay tinanggihan pa ito ng alagad ng Diyos dahil galing sa pondo na nakuha sa mga iba’t-ibang pasugalan.

Subalit iginiit umano ng PCSO ang pagbibigay ng tulong kung kaya’t napilitang tanggapin ang salapi at dinagdagan na lamang ng Obispo upang makabili ng pick-up truck.

“Ayaw ko ngang tanggapin yan eh kasi galing sa PCSO, ni hindi nga kami humingi ng anuman pero pinilit nila kami na kunin ang tulong. Actually kay Father Arnel Lacman, ng Social Action Center, iyan ipinasa at sinabi ko kay Father Lacman na huwag kunin, pero mapilit sila eh,” wika pa ng Obispo.
Ibinigay umano ng PCSO ang salapi nuong 2009.

Ginagamit rin umano ang pick-up truck sa iba’t-ibang aktibidad at nuong nakaraang Oktubre ay ginamit rin ito ni Education Secretary Armin Luistro sa kanyang pagbisita sa Basilan.

“Maraming pinaggagamitan yan pick-up truck na yan – mula relief mission hanggang sa pagtulong ng mga dinudukot dito sa Basilan at kung anu-ano pa, pero kung babawiin yan ng PCSO ay wala naman problema sa amin yun at pede nilang kunin dito sa Basilan,” wika pa ng Obispo.

Nagmumuni-muni rin ang Obispo kung may kinalaman ba sa kontrobersyal na Reproductive Health Bill at Divorce Bill ang paglalabas ng PCSO ukol sa mga sasakyan naibigay sa mga Obispo at pari.

“Siguradong may kinalaman ang RH Bill at yun Divorce Bill dahil hindi pabor ang Simbahan diyan, pero kailangan rin isipan ng lahat at ng pamahalaan na ang sinasabi namin ay ang sinasabi ng bawat isang Katoliko sa bansa. We are for the truth,” sabi pa ng Obispo.

Kilala ang Obispo ng Basilan sa pagiging masipag, mabait at matulungan, ngunit pranka rin sa mga mahahalagang isyu na may kinalaman sa Simbahan at katayuan nito. (Mindanao Examiner)

No comments: