Monday, October 10, 2011

Negosyante dinukot sa Zambo!


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 10, 2011) – Dinukot umano ng mga armado ang isang negosyanteng babae sa bayan ng Pitogo sa Zamboanga del Sur sa Mindanao.

Ayon sa pulisya ay pinasok ng10 armado ang tanggapan ni Monaliza Kapa, 34, kamakalawa ng gabi at hinila ito patungo sa naghihintay na speedboat. Hindi pa mabatid ang motibo ng pagdukot, subalit may hinala ang mga awtoridad na posibleng ransom ang dahilan nito.

Nabatid pang may ice plant si Kapa at may fishing boat. Hindi nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Kapa ukol sa naganap at wala pa umanong komunikasyon ang mga armado kung kaya’t hirap ang pulisya na mabatid ang katotohan.

Sa sentro mismo ng bayan dinukot ang biktima at tumakas patungong bayan ng Olutangga na kilalang kuta naman ng mga rebeldeng Moro. Subali’t hindi naman masiguro kung diversionary tactic lamang ito upang iligaw ang mga awtoridad sa kanilang paghahanap.

Inalerto naman ng pulisya ang mga puwersa nito sa Western Mindanao upang mabawi agad ang negosyante.

Nuong nakaraang linggo lamang ay isang negosyanteng Muslim rin na si Faridah Olama Adilao, 34, at driver nitong si Moca Mimbantas, 22, ang dinukot sa Barangay Nangka sa bayan ng Balo-i sa Lanao del Norte.

Pauwi na sana ng Marawi City sa Lanao del Sur ang mga biktima sakay ng kanilang pick-up ng harangin ng mga kidnappers. (Mindanao Examiner)

No comments: