Sunday, March 05, 2006

Pahayag Ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo: Pagbawi Sa Proklamasyon 1017



Inihalal ninyo ako upang ayusin ang ekonomiya, mamuhunan sa ating mamamayan, at tanggalin ang nakadudurog na bigat ng kahirapan. Nagtatagumpay ang plano ko; sumusulong na ang ekonomiya.

Patibay nito ang malakas na piso, lumalagong investment mula sa ibayong dagat, at mas malaking koleksiyon ng buwis na siyang popondo sa mga serbisyo publiko gaya ng edukasyon, pagamot at imprastraktura.Subalit sa gitna ng pagsigla ng ekonomiya, may mga elemento sa ating lipunan na sukat naglunsad ng pakanang pabagsakin ang ating pamahalaan.

Isang linggo na ang nakararaan, nagsanib ang mga malisyosong destabilizer at mga sundalo at pulis na ligaw upang samantalahin ang maramdaming pangyayari sa ikadalawampung pagdiriwang ng EDSA.

Wala silang ibang hangarin kundi ang sabotahe ng Saligang Batas at pagwasak ng legal na gobyerno ng Pilipinas. Ayon sa mga pangyayari, bumuo ako ng paghusga na may clear and present danger sa Republika dahil sa pagsasama ng mga puwersang ito.

Bilang Commander-in-Chief ng Sandatahang Lakas at ayon sa kapangyarihang kaloob sa akin ng Konstitusyon, kumilos ako upang ipagtanggol ang katiwasayan ng mamamayan at sambayanan.Napatibayan ang aking pagkabahala: maraming subersibo at ilang mga kawal at pulis ang naaresto natin.

Bahala ang ating sistema ng hustisya sa kanilang makatarungang paglilitis. At gaya ng nakita natin noong Linggo ng gabi, nagpatuloy ang pakikibaka sa mga araw na sumunod. Kaya naman hindi ko binawi ang State of Emergency hanggang matiyak kong ligtas at maayos ang bayan.

Hindi ito hakbang basta ko ginawa; napakalaki ang nakataya upang kumilos nang kapos. Naniniwala ako na napalakas at nasanggahan ng aking ginawa ang ating mga karapatan at ang kalayaan ng media sa banta ng diktadurang leftist-rightist, at aking ipinagtanggol ang pagsulong ng ekonomiya na pinagsikapan nating matamo.

Ngayon, matapos ang isang linggo, ikinagagalak kong sabihin na nawasak ang pagsasabwatan, at panahon na upang bumalik sa tunay na gawain ng pamahalaan. Matibay ang aking tiwala na nanumbalik ang kaayusan.

Samakatwid, ayon sa kapangayarihang kaloob sa akin ng Saligang Batas, ipinapahayag ko na mula sa sandaling ito hindi na umiiral ang State of Emergency.

Ibig kong pasalamatan ang ating mga tauhang militar at pulis na hindi nagpadala sa hatak ng politika at nanatiling tapat sa kanilang kalooban at sa bayan na sumpa nilang ipagtanggol. Napakarami nilang pasanin alang-alang sa atin.

Inatasan ko si Defense Secretary Cruz na mamuno sa malawakang balik-tanaw upang alamin ang pananaw ng ating mga kawal sa larangan, tugunin ang kanilang mga hinaing at pangangailangan, at siguruhing magpapatuloy ang reporma sa Sandatahang Lakas tungo sa modernisasyon at katarungan.

Ganoon din sa kapulisan.Nagpapasalamat din ako sa ating mga pinunong lokal at pambansa na nanindigan sa panig ng demokrasya. At hindi ko mapupuri nang sapat ang dunong ng ating mga kababayan sa pag-unawa na nasa kasipagan ang magandang kinabukasan, wala sa pag-aalsa sa lansangan.

Napakahalaga ngayon na tumigil na ang ating mga kalaban sa politika at ang mga oportunista sa perhuwisyo sa ekonomiya at kahihiyan sa Pilipinas dulot ng mga walang kuwentang palabas.

Mas malakas ang bayan sa mabilis at buong loob nating pagtugon sa hamong ito. Hindi ko kailanman kukunsintihin ang ganitong uring adventurism.

At kahit ilang ulit, kikilos ako nang may paninindigan at determinasyon tuwing mamimilit ang ating mga kaaway ng alanganin sa bansa at pahamak sa ekonomiya.

Samantala, pinagpala tayong nakatira sa masiglang demokrasya na malakas, matatag, at sumusulong.

Maraming salamat po.

No comments: