Dampi ng pagmamahal at lubos na kasiyahan ang makikita sa mag-asawang Gov. Sakur at Indah Tan ng Sulu. Hinirang na bagong gobernador ng lalawigan si Tan. (Mindanao Examiner Photo Service)
SULU – Isang panibagong bukas at bagong pag-asa ang naghihintay sa magulong lalawigan ng Sulu matapos na magwagi si Hj. Sakur Tan bilang bagong gobernador.
Pormal ng idineklara ng Commission on Elections dito si Tan at dalawang congressman na sina Yusop Jikiri at Munir Arbison, gayun rin ang ibang mga alkalde sa kabila ng tangkang patigilin ang kanilang proklamasyon ng mga talunang kandidato.
Naging tensyonado ang halalan sa Sulu dahil sa pananakot ng mga talunang pulitiko at kanilang armadong grupo. Ngunit sa kabila nito ay itinuloy ng COMELEC ang proklamasyon ng mga nagwaging kandidato sa Mindanao State Univeristy sa bayan ng Jolo nitong linggo lamang.
Nagbunyi naman ang mga libo-libong supporters ni Tan at ng mga nagwaging kandidato nito.
Sa kabila ng lahat ay tahimik ang eleksyon. “Peaceful ang halalan sa Sulu and we can attribute this to the good coordination between the COMELEC and the Philippine National Police and the Armed Forces of the Philippines,” ani pa ni Atty. Vidzpar Julie, ang pinuno ng COMELEC sa Sulu, sa panayam ng pahayagang Mindanao Examiner.
Binansagan naman ni Julie ang panalo ni Sakur Tan na “historical” sa kasaysayan ng lokal na pulitika. “This is something historical dahil landslide ang panalo ni (Sakur) Tan,” dagdag pa ni Julie.
Lumamang umano sa mahigit na 43,000 boto si Tan sa incumbent na si Benjamin Loong, ayon pa kay Julie.
Nilangaw naman ang boto ni Nur Misuari dahil kulelat ito sa Sulu. Si Tan, na dating gobernador ng Sulu, ang kinikilalang nasa likod ng maraming mga proyekto at pag-asenso ng lalawigan ng ito’y nanunungkulan pa. KAMPI ang partido ni Tan.
Sinabi ni Julie na malaking tagumpay ang halalan sa Sulu. Ito rin ang pananaw ng dalawang miyembro ng Provincial Board of Canvassers (PBC).
“Talagang peaceful ang elections sa Sulu. There was only one incident, yun napatay sa (bayan ng) Indanan dahil sa away at ilang mga suntukan between the party watchers at wala na ibang reports of violence.”
“The people were finally given the chance to express their will. There were no pressure from any group or individual or politicians themselves,” wika pa ni Delfin Unga, ng PBC, sa hiwalay na panayam.
Sinabi nito na ang Sulu ang tinitignan ng mga awtoridad sa tuwing may halalan, ngunit ang lalawigan pa ang siyang mga pinakatahimik sa Autonomous Region of Muslim Mindanao.
“The elections were really successful and we are proud of it,” sabi pa ni PBC vice chairman Gulamurasid Sahibil.
Ngunit kataka-taka naman ang malaking lamang ng TEAM Unity senatorial bets dahil sa lamang nito sa Genuine Opposition. Base sa partial canvass ay posibleng magwagi rin ang TEAM Unity sa Sulu, ito ang inamin ni Unga.
Nadala umano ng mga partidong lokal at pulitiko ang TEAM Unity kung kaya’t lamang sa botohan. (May dagdag na ulat ni Ben Ajihil at Mark Navales)
No comments:
Post a Comment