Saturday, May 26, 2007

Bagong Gobernador Ng Sulu Magsasampa Ng Demanda!

SULU (Mindanao Examiner / 26 May) – Magsasampa umano ng kaso ang bagong gobernador ng Sulu matapos itong pagbintangan ng pandaraya ng abogado ng Genuine Opposition.

Inakusahan kasi ni Atty. Diego Palomares, ng oposisyon, na nadaya ang GO senatorial candidates sa Sulu, partikular sa bayan ng Luuk sa 2nd District ng lalawigan.

Pinagbintangan pa nitong nandaya rin ang asawa ni Tan at gayun rin si Rep. Munir Arbison. Kilala ang magandang reputasyon sa Sulu at Mindanao ni Tan na isang pilantropo at ng asawa nito na isang naman civic leader.

Itinanggni ni Tan ang akusasyon sa kanya at asawa at sinabi nitong sasampahan ng kaso si Palomares dahil sa paratang na inilabas pa sa telebisyon.

“Sasampahan ko ng kaso iyan si Atty. Palomares at hindi ko palalampasin ang mga maling paratang niya sa akin at sa aking asawa,” ani pa ni Tan.

Pinasinungalingan naman ng Commission on Elections (COMELEC) at mga Board of Election Inspectors sa Sulu na magulo at madaya ang halalan.

Pati na rin mga watchers ay nagsabing malabo talagang manalo ang GO senatorial bets sa Sulu dahil hindi umano ito nangampanya sa lalawigan.

“Talagang hindi naman mananalo ang GO senatorial bets dahil walang nangampanya sa kanila sa Sulu. Ni hindi nga nakita ang kanilang mga anino sa aming lugar tapos umaasa silang manalo,” ani pa ni Isnin Hassan, isang watcher ng TEAM Unity.

Sinabi pa ni Palomares na nakita umano si Tan at Arbison sa loob ng isang kuwarto na kung saan nakatago ang mga ballot boxes. At ang asawa naman ni Tan ay nanguna pa sa pagsusulat sa balota.
Ngunit kinumpirma rin ng maraming saksi na nasa kanyang mansion lamang si Tan sa buong election period at pawang mga abogado nito ang nasa mga polling areas at ang asawa naman ay abala sa pagiintindi sa libo-libong bisita sa kanilang bahay sa bayan ng Jolo.

Nagulat umano si Tan ng mabatid ang balita na siya ay inakusahan ng pandaraya at sa katunayan umano ay 15 mga abogado ang ginamit nito sa nakaraang eleksyon upang masigurong mabibigyan ng proteksyon ang kanyang boto.

Landslide ang panalo ni Tan sa Sulu kontra kay incumbent Benjamin Loong at detained Moro National Liberation Front chief Nur Misuari.

Sinabi ni Atty. Vidzpar Julie, Sulu COMELEC chief, na “historical” ang panalo ni Tan dahil sa landslide victory nito at umabot sa 43,000 ang lamang nito kay Loong. Isa si Tan sa mga maimpluwensya at respetadong lider sa Sulu at katimugan. (Mindanao Examiner)

No comments: