DUMAGUETE CITY (Mindanao Examiner / Feb. 26, 2008) – Muling nagsiga-sigaan na naman ang Philippine Army sa Negros Oriental at tila martial law ang paningin nito sa estado ng lalawigan matapos nitong balaan ang mga militanteng grupo at progresibong organisasyon ng mga magsasaka na umano’y tutol sa kaunlaran.
Mismong si Col. John Bonafos, ang deputy commander ng kilabot na 302nd Infantry Brigade, ang nagsabi sa mga mamamahayag na dudurugin nito ang mga grupong tutol sa kaunlaran.
Naunang inireklamo ng mga militanteng grupo ang Philippine Army, partikular ang 61st Infantry Battalion, na siya umanong nasa likod ng panghaharas sa mga magsasaka na ayaw magtanim ng jathropa o “tuba-tuba”, isang halamang malaki umano ang potensyal sa langis na posibleng magamit bilang bio-fuel ng pamahalaan.
Katwiran ng mga magsasaka ay maraming mawawalan ng taniman at palayan kung itutuloy ng militar ang pamimilit sa pagtatanim ng jathropa sa libo-libong ektarya sa Negros na pakikinabangan lamang ng mga malalaking haciendero.
Binansagan pa umano ni Bonafos ang mga militanteng grupo tulad ng Anakpawis, Gabriela, Bayan, Anakbayan at ilang mga church-based charity at progresibiong grupo na umano’y front lamang ng Communist Party of the Philippines (CPP). Itong mga grupo rin ang tinawag ni Bonafos na mga tutol sa kaunlaran.
Umani naman ng malaking batikos si Bonafos sa kanyang mga binitiwang pahayag sa media at nanawagan tuloy ang mga human rights advocates sa pamunuan ng militar at pamahalaang na tanggalin agad sa Negros si Bonafos at ipadala sa Sulu na kung saan ay naghahari-harian doon ang Abu Sayyaf at Jemaah Islmiaya.
Natatakot ang mga human rights grupo na mas tataas pa ang bilang ngh mga kaso ng human rights sa lalawigan sa pamamalagi ni Bonafos at ng mga iba pang unit ng Philippine Army tulad ng 61st Infantry Batallion. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment