![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjC94nh3njNCc5LGu_rzHDj3sx2AjbuqBy4dgAGEBCEHIQltaaJz0IF4ZqlTJ8wlHsUjaGB5pgw18cdhzhfuQaR-bhWBhhG_1N_BtMxmipm5tcl7jhrTXAlSpBlLuTqrMAMPoEk3w/s320/Luuk+100+ME.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEi87k36tvNgRFX6SQgW-B-Crwn4s9Qx8Nkm38LN-dHqyKMA6X2rHFXfT7vbiaETg3snVKVsGlnZeZ8wfYz7PN_ECeHJjv0qJA-P5-r3CZ7Y8jc5X4YlSN2yKD9_1N-KB06eP9Zb3A/s320/Luuk+50.jpg)
Pinangunahan ni Sulu First Lady Nurunisah Tan ang pormal na hand over sa mga pabahay para sa mahihirap na Badjao sa bayan ng Luuk. Bakas sa mukha ng mga Badjao ang lubos na kasiyahan dahil sa pabahay na pinondohan ni Sulu Gov. Sakur Tan sa proyektong inilunsad sa bayan ng Luuk na kung saan ay humingi ng tulong ang mga mahihirap upang magkaroon ng tirahan. (Mindanao Examiner Photo)
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / May 10, 2008) – Umani ng papuri ang lalawigan ng Sulu mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at Moro National Liberation Front dahil sa mga ibat-ibang proyektong at magagandang programa nito.
Magandang halimbawa umano ang ginagawa ni Sulu Gov. Sakur Tan at mga opisyal ng lalawigan, partikular sa mga pabahay sa mahihirap na Badjao at MNLF communities. Maging ang mga pro-poor organizations ay nagpahayag na rin ng kagalakan sa mga proyekto at katunayan ay mahigit sa 100 kabahayan ang ilalaan ng Gawad Kalinga sa Sulu sa pakikigtulungan kay Tan.
Natuwa ang MNLF dahil si Tan lamang umano ang nakapagpagawa ng mga proyektong pinakikinabangan ngayon ng mga dating rebeldeng Muslim at kabilang dito ang proyekto ng pabahay sa bayan ng Luuk.
Hiniling ng mga residente sa Luuk kay Tan na sila ay tulungan magkaroon ng pabahay, klinika at iba pa. Kamakailan lamang ay pinangunahan ni Tan at ng First Lady nitong si Hajja Nurunisah Tan ang inagurasyon ng mahigit sa 50 pabahay para sa mahihirap na Badjao sa Luuk.
Hindi maipaliwanag ng mga taga-Luuk ang kanilang kagalakan sa mga proyektong inilaan ni Tan para sa mga mahihirap. Maging ang Armed Forces of the Philippines ay katuwang ni Tan sa maraming mga proyektong isinagawa sa Luuk.
Naunang sinabi ni Tan na palalawigin pa nito ang pagbubuo ng mga cooperatives sa Sulu upang mabigyan ng hanap-buhay ang mga MNLF communities.
Nakahanda na rin ang ibat-ibang mga programang pang-agrikultura at livelihood trainings sa Sulu at ang tanging kahilingan lamang ni Tan ay huiwag samantalahin ng mga negosyante ang mga magsasaka.
Nabatid kasing binabagsak ng mga tiwali at sakim na mga negosyante ang presyo ng cassava na pangunahing pagkain sa Sulu at dahil dito ay nawawalan ng karagdagan kita ang mga magsasaka at napipilitang mangisda na lamang. Nagsumbong na rin kay Tan diumano ang mga magsasaka sa Sulu. (Chris Navarra)
No comments:
Post a Comment