Tuesday, June 24, 2008

Kampo Ni Isnaji Galit Kay Drilon; MNLF Nagiinit Na!

Ang napalayang si Ces Drilon ng hindi mapigilan ang emosyon sa naganap na pagdukot sa kanyang grupo sa Sulu. (Mindanao Examiner Photo)



ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 24, 2008) – Matindi umano ang galit ng kampo ni Sulu Mayor Alvarez Isnaji sa pinalayang ABS-CBN reporter Ces Drilon dahil sa pagkakasangkot ng pulitiko sa kidnapping charges na inihain ng pulisya.

Maging ang Moro National Liberation Front at mga supporters ni Isnajio ay galit na rin kay Drilon dahil sa bigo itong ipagtanggol at linisin ang pangalan ng mayor na siyang nakipag-negosasyon sa Abu Sayyaf sa paglaya ng reporter at kasamahan nito.

Dinukot nuong June 8 si Drilon kasama ang dalwang cameraman nito na sina Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama, gayun rin ang kanilang guide na si Prof. Octavio Dinampo ng Mindanao State University.

Pinalaya ang apat kapalit diumano ng P20 milyon ransom, ayon kay Atty. Firdausi Abbas na siyang abogado ni Isnaji na ngayon ay nakapiiit sa Maynila kasama ang anak na si Haider na tumulong rin sa negosasyon. Pinili ng Abu Sayyaf si Isnaji bilang negosasyador, subalit isinabit naman ito ng pulisya at sinabing nakinabang sa ransom na ibinayad ng ABS-CBN at pamilya ni Drilon at isang mayamang Intsik na hindi naman sinabi ang pangalan.

Ilang ulit rin na itinanggi ng ABS-CBN at ng pamilya ni Drilon na nagbigay sila ng ransom sa Abu Sayyaf, ngunit inamin naman ng pulisya na nagkaroon nga ng bayaran. Tumulong rin si Sen. Loren Legarda sa pagpapalaya kina Drilon at maging ito ay nagsabing walang ransom na ibiniyad sa Abu Sayyaf.

Itinanggi ni Isnaji ang lahat ng akusasyon sa kanya at sa anak.

“Ces Drilon should speak out the truth because she knew that Mayor Isnaji has nothing to do with the kidnapping. She should open up her mind now. Her conscience will not let hey calm,” ani pa ni Gafur Kanain, ang executive assistant ni Isnaji.

Sinumbatan pa ni Kanain si Drilon at sinabing walang utang na loob ito. “She cried many times begging for the help of Mayor Isnaji and telling him not to back out from negotiations especially when the Abu Sayyaf had threatened to behead them and now what? Iniwan nila si Mayor at pinagbintangan pa,” wika pa ni Kanain sa isang panayam.

Sinabi pa ni Kanain na maging ang MNLF ay nagpupulong na rin para sa kanilang gagawing hakbang. Hindi naman sinabi ni Kanain kung ano ang plano ng MNLF.

“The entire MNLF leadership and the ground commanders will be holding a command conference anytime to decide once and for all. We silenced our guns because we are sincere in fulfilling the 1996 peace agreement. The fabricated charges and accusations against Brother Isnaji is an act of provocation, a blatant insult and disrespect to the entire leadership of the MNLF,” ani pa umano ng isang text message ng MNLF na ipinasa naman ni Kanain sa Mindanao Examiner.

Si Isnaji ay isa rin mataas na opisyal ng MNLF at miyembro ng Central Committee ng dating rebeldeng grupo. Ito rin ang presidente ng provincial League of Municipalities.

Naunang nagpahayag ng pagka-dismaya si MNLF chieftain Muslimin Sema sa pagkakasangkot ni Isnaji sa kidnapping at sinabing suportado ng buong hukbo ng grupo ang mayor.

Si Isnaji rin ang nasa likod ng pagpapalaya ng mahigit sa 100 katao na binihag ng mga rebeldeng Muslim sa Zamboanga City nuong 2002 na binansagang “Cabatangan Siege.” (Mindanao Examiner)

No comments: