Friday, January 16, 2009

Sayyaf, tuluyan ng isinabit sa ICRC kidnapping sa Sulu

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 16, 2000) – Tuluyan ng isinabit ng pulisya ang grupong Abu Sayyaf sa kidnapping ng tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross sa lalawigan ng Sulu.

Sinabi ni Sulu police chief Julasirim Kasim na posibleng sabit ang grupo ni Commander Albader Parad sa kidnapping nina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugene Vagni at Pilipinang si Marie Jean Lacaba. Dinukot ang tatlo matapos na bumisita sa bilangguan sa bayan ng Patikul kamakalawa.

“May intelligence report na tayo na nagsasabing may kinalaman ang grupo nina Albader Parad sa kidnapping. Patuloy ang rescue operation natin at ipinag-utos ni (Sulu) Gov. Sakur Tan na gawin ang lahat upang makuha ang tatlo ICRC members,” ani Kasim.

Isinabit naman ng militar ang dating jail warden ng bilangguan na umano’y may kinalaman sa kidnapping, ngunit tumanggi naman ibigay ng mga opisyal ang panagalan nito dahil sa patuloy na operation.

Galit na galit naman si Tan sa naganap na kidnapping dahil sa kahihiyaang idinulot nito, partikular na ang mga biktima ay isang neutral organization. “Hindi namin sila titigilan at kailangan ay ibalik nila sa amin ang mga biktima,” wika pa ni Tan sa hiwalay na panayam sa telepono.

Personal naman na tinututukan ni Tan ang progreso ng rescue operation na isinasagawa ng militar at pulisya. Maging ang mga mayor sa kalapit na bayan ng Patikul ay ipinatawag na rin kahapon ni Tan upang pulungin at lalong paigtingin ang paghahanap kina Notter, Vagni at Lacaba.

Isang malapit kay Tan ang nagsabing oras-oras na tinatawagan nito ang mga commander ng militar at pulisya at mga mayors at inaalam ang progreso ng paghahanap. Inaabot rin umano ng gabi sa bayan ng Patikul si Tan dahil sa pagbabantay nito sa operation. (Mindanao Examiner)

No comments: