MAYNILA - Tinawanan lang kahapon ni dating Pangulong Joseph Estrada ang pasaring na binitiwan kamakalawa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo laban sa kanya at pabiro pang sumagot na kabado lamang umanong makulong ang huli oras na matapos ang termino sa MalacaƱang.
“Malinaw na takot makulong ‘yan (Arroyo) kaya puro kasinungalingan ang kanyang SONA. Kahit sinong mamamayang Filipino ay ramdam ang kahirapan sa ilang taong kanyang panunungkulan dahil mas inuna ng adminsitrasyong ito ang pangungurakot kaysa ibigay ang nararapat sa mga nagdaraop na masa,” ani Estrada.
Ganito rin ang pananaw ni dating senador at tagapagsalita ng United Opposition (UNO) na si Ernesto Maceda.
“Apparently, GMA is admitting that she is afraid that she will be jailed,” ani Maceda, bilang reaksyon nito sa patutsada ni Arroyo kay Estrada na namuhay nang marangya habang nasa kulungan.
Si Estrada ang nabilanggo matapos mahatulan sa kasong plunder. Ito rin ang dahilan kaya’t napaaga ang alsa-balutan nito sa MalacaƱang sa kasagsagan noon ng EDSA Dos.
Sinabi pa ni Estrada na pinaikot-ikot lamang ni Arroyo ang mga pahayag sa binitiwang State-of-the-Nation Address (SONA) gayong ang kailangan at gusto lang namang marinig ng sambayanan ay ang pamamaalam nito.
Maging ang pagbira sa kanila sa oposisyon ay pang-cover lang umano ni Arroyo sa mga tunay na isyung nakakulapol sa kanyang administrasyon.
“Hindi ko maintindihan. Sa lahat ng nabasa ko sa sinabi niya, dapat ideklara niya ang kanyang SONA na araw ng kasinungalingan. Hindi lang naman ako at ang oposisyon ang nagsasalita laban sa kanya ngunit ang ibang panig ng mundo halimbawa ang Transparency International, World Bank, United Nations at Reporters without Borders”, pahayag ng dating pangulo.
Simple naman ang naging pahayag ng anak ni Estrada na si San Juan Mayor JV Ejercito, “She can speak of whatever she believes in, but she needs to step down in 2010.”
Sa kanyang privilege speech naman sa Senado ay tinumbok din ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang matinding takot ni Arroyo na makulong pagbaba sa puwesto.
“Karagdagan dito ay ang kanyang inaakalang pananakot sa kanya ng pagkakakulong matapos ang kanyang panunungkulan. Bakit? Inaanim ba niya na siya ay may nagawang kasalanan sa taong bayan at kanyang winika ito kahapon (Lunes),” anang senador.
Sa halip naman na magalit ay ikinatuwa pa ni Sen. Mar Roxas ang pagkakapitik sa kanya ng Pangulo sa binitiwang SONA.
“Malaking karangalan ito na maging tinig, na maging mukha ng galit ng milyun-milyon nating kababayan, galit na hindi nila ginagawa ‘yung dapat nilang gawin,” diin ng senador.
Naniniwala naman si Anakpawis partylist Rep. Rafael Mariano na ginamit lang ni Arroyo na panakip-butas ang mga inatakeng taga-oposisyon para mailipat dito ang atensyon ng sambayanan at para idiin sa iba’t ibang kasalanan ang mga kritiko sa halip na aminin ang sariling mga pagkakamali at kasalanan sa bayan. (Abante / Nina JB Salarzon, Nonnie Ferriol, Rey Marfil, Boyet Jadulco at Bernard Taguinod)
Wednesday, July 29, 2009
ERAP: Takot Lang 'Yan Makulong!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment