MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / July 26, 2009) – Pormal ng nag-deklara ang Moro Islamic Liberation Front ng cease-fire laban sa militar at isinusulong na ng pamahalaang Arroyo ang peace talks upang matigil ang karahasan at kaguluhan sa Mindanao.
Ngunit ipinag-utos rin ng MILF sa mga rebelde na ipagtanggol ang kanilang sarili sa anumang hakbang na maaring ilunsad laban sa mga tumutugis na sundalo sa mga tinuguriang “rogue MILF” members.
Sa hanay ng mga rebelde ay wala umanong “rogue MILF,” bagamat iginigiit ng militar at pulisya na pinaghahanap nila sina Commander Ameril Kato, Abdurahman Macapaar at Sulayman Panglian at ang kanilang mga tauhan na itinuturing nasa likod ng madugong raid sa Lanao provinces, North Cotabato, Sarangani, Iligan at iba pang mga lugar sa Mindanao matapos na mabuwag ang peace talks.
Kahapon ay kinumpirma ni Mohagher Iqbal, chief MILF peace negotiator, na nilagdaan ni Murad Ebrahim, ang pinuno ng rebeldeng grupo, ang isang order na nagpapatigil sa lahat ng opensiba sa magulong rehiyon.
“We are reciprocating the government’s suspension of military operations against the MILF. With these declarations of cease-fire, we can now move on and talk about peace in Mindanao,” ani Iqbal sa pahayagang Mindanao Examiner.
Sinabi pa ni Iqbal na ang cease-fire ay mahalaga sa posibleng resumption ng peace talks na nabasura nuong nakaraang taon matapos na mabigo ang pamahalaan at MILF na malagdaan ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD).
Ang MOA-AD ay inisyal na nilagdaan ng mga peace negotiators nuong Hulyo ng nakaraang taon sa Malaysia, ngunit nabasura naman ito matapos na kuwestyunin ng Zamboanga, Iligan at North Cotabato sa Korte Suprema ang legalidad nito. Sinabi ng Korte Suprema na unconstitutional ang MOA-AD.
Idiniin ng MILF na hindi ito makikipag-usap sa pamahalaang Arroyo maliban kung ipatutupad nito ang MOA-AD. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment