ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Disyembre 1, 2009) – Isang dakilang pag-ibig ang ipinamalas ni Argie Gulipato ng magpakasal ito kay John Caniban, ngunit ang seremonya ay kasabay rin ng huling pamamaalam nito sa lalaking kanyang minahal ng mahabang panahon.
Si John ay agad na inilibing matapos ng kasal – isa ito sa 30 journalists na walang awang pinatay kasama ang 27 iba pa ng harangin ang kanilang convoy ng mahigit sa 100 armado nuong Nob. 23 sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao.
Mistulang pelikula ang nasaksihan ng marami ng magpakasal si Argie sa isang patay nuong Lunes sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat at kasabay nito ang huling misa para kay John. Tanging luha na lamang ang naging tugon ni Argie sa pamamaalam nito sa boyfriend na nag-iwan sa kanya ng walong-buwang sangol, ang bunga ng kanilang pagmamahalan.
Sa isang ulat ng Philippine News Agency ay nabatid na matagal ng plano ng dalawa ang magpakasal. At sa katunayan ay itong Disyembre sana ang kasal, ngunit pinutol ng malagim na krimen ang pangarap ng dalawa.
Magko-cover lamang si John at mga kasamahang ng filing ng certificate of candidacy ni Buluan vice mayor Esmael Mangudadatu sa pangunguna ng asawa nito at dalawang kapatid at mga supporters ng sila’y dukutin at patayin ng kalaban angkan sa pulitika. Si Mangudadatu ay kandidato sa pagka-gobernador sa Maguindanao at sa anak ng kasalukuyang gobernador na si Andal Ampatuan Jr ibinibintang ang massacre.
Sinabi naman ni Argie na bagamat bangkay na ang kanyang napangasawa ay isa itong “dream come true” sa kanya.
“Matagal na namin plano ito kaya lang ay wala pa kaming ipon noon at kung kaya’t napagkasunduan namin na ngayon Disyembre kami magpapakasal,” ani Argie.
Sa ulat ng PNA ay sinabi nitong nakaputing damit si Argie at mga kaanak na dumalo sa kasal at halos ay napaiyak sa nasaksihan.
Maging si Pastor Ed Gabuat, ng Miracle of Life church, na siyang nagkasala sa dalawa ay umamin na naiyak ito dahil sa dakilang pagmamahal na ipinakita ni Argie.
“Mahirap ang kasal dahil lahat ay umiiyak, subalit ginawa ko ito dahil matagal na itong plano nina Argie at John,” wika ng pastor na nagsabing na dalawan buwan na ang nakalipas ng lumagda ang dalawa na sila’y magpapakasal.
Ito ang kauna-unahang pagkakasal ng pastor sa pagitan ng isang bangkay at buhay na tao.
Sinabi ni Argie na kasiyahan ang kanyang nadarama at natupad na rin ang kanilang matagal ng balak na pagpapakasal.
Kahapon ay sinampahan ng 25 murder charges si Ampatuan Jr, na kapatid naman ni Muslim autonomous region governor Zaldy Ampatuan.
Tinayang may 34 journalists sa grupo ng mga pinatay subalit 30 bangkay pa lamang ang nababawi sa kasalukuyang.
Sinabi ni Justice Secretary Agnes Devanadera na may mga saksi na lumutang at itinuturo si Ampatuan Jr na siyang utak diumano sa krimen. Iimbestigahan rin ang ama nitong si Andal Ampatuan Sr at si Zaldy Ampatuan na parehong tumangging may kinalaman sa massacre. (May ulat mula sa Philippine News Agency at Mindanao Examiner)
Tuesday, December 01, 2009
Isang Dakilang Pag-ibig: Babae nagpakasal sa bangkay ng nobyong journalist sa Mindanao
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment