Sunday, May 30, 2010

MILF, gagamiting dahilan sa pagbabago ng Konstitusyon

Isang Muslim ang naglalakad malapit sa nisang checkpoing ng Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao na kung saan ay aktibo ang rebeldeng grupo. (Mindanao Examiner Photo)

MAGUINDANAO - (Mindanao Examiner / May 30, 2010) – Posibleng gamitin umano ni Pangulong Gloria Arroyo sa pagbaba nito ang bagong posisyon bilang kongresista upang isulong ang pagbabago ng Konstitusyon at isankalan ang peace talks sa Moro Islamic Liberation Front bilang dahilan.

Ngunit ang layunin umano ni Arroyo ay upang mabuksan ang Konstitusyon at isulong ang Federalism o Parliamentary form of government at sa gayun ay mahirang itong Prime Minister ng mga alipores sa House of Representatives, ayon sa isang lider ng MILF na si Commander Ibrahim.


Ito umano ang hinala ng MILF matapos na sabihin ni Arroyo na pupursigihin nito ang peace talks sa rebeldeng grupo sa Congress at Maghahain pa umano ng mga batas upang matuloy ang kanyang agenda.


Ilang ulit ng binatikos ng MILF si Arroyo dahil sa halos 9 taon na peace talks na walang pinatungunahan. Sinabi ni Ibrahim na ginamit lamang ni Arroyo ang peace talks upang maiwasan ang labanan sa Mindanao sa kahabaan ng kanyang termino.


“Walang matibay na kasunduan at maging ang MOA-AD (Memorandum of Agreement on Ancestral Domain) ay walang napatunguhan. Nagamit lamang kami ni Arroyo, pero maghihintay pa rin kami sa susunod na administrasyon ni Noynoy Aquino at kung ano ang agenda niya sa Mindanao,” ani Ibrahim.


Sinabi pa ni Ibrahim na hindi papayagan ng MILF na gamitin ni Arroyo ang peace talks upang amyendahan ang Konstitusyon at maging Prime Minister. “Ito lamang ang gagamitin dahilan ni Arroyo, ang MILF, upang maamyendahan ang Konstitusyon at mahalal na Prime Minister ng kanyang mga tuta sa Kongreso,” wika pa ni Ibrahim.


May pangamba rin ang MILF na magkaroon ng malaking labanan sa Mindanao bago bumaba sa kanyang puwesto si Arroyo upang bigyan ng sakit ng ulo si Aquino sa kanyang pag-upo. “Maraming maaaring maganap ngayon at gamitin kami bilang war agenda ni Arroyo at ng militar,” dagdag pa ni Ibrahim.


Ilang ulit na rin inilabas ng oposisyon ang plano ni Arroyo na maging Prime Minister kung kaya’t tumakbo ito sa Pampanga bilang kongresista at ang layunin lamang ay palawigin ang kanyang pamumuno at maiwasan ang mga kaliwa’t-kanan na kaso na posibleng ibato sa kanya ng administrasyon ni Aquino. Kabilang sa mga kaso ay ang ZTE scandal, fertilizer scam, korupsyon at iba pang mga anomalya. (Mindanao Examiner)

No comments: