COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Sept. 16, 2010) – Dumating na sa Mindanao ang isang armada ng mga makabagong armas na diumano’y galing sa Australia bilang suporta nito sa militar sa magulong rehiyon.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng militar ukol sa armada, ngunit ayon naman sa Moro Islamic Liberation Front ay dumating umano ang mga ito sakay ng Taras Oceanic Douglas kamakailan. Kabilang umano sa mga dumating na armas ay mga amphibian tanks at high-speed boats na mayroong global positioning system.
Umabot umano sa 21 amphibian tanks at 21 airboats ang ibinaba ng nasabing barko. Ang airboats ay kalimitang gamit sa mga marshlands sa ibang bansa at sa central Mindanao na kung saan naroon ang malalaking kampo ng MILF ay napapalibutan naman ng Liguasan marsh.
Hinihinalang bahagi ang armada sa tulong na ibinigay ng Australia sa pamahalaan, ayon sa MILF, at aabot umano ang halaga ng nito sa AU$3 milyon kada taon.
Nabatid pa sa MILF na dinala ang mga bagong gamit pandigma sa kampo ng 6th Infantry Division sa Maguindanao province, na sentro naman ng puwersa ng MILF, na nakikibaka upang makamtam ang karapatan ng mga Muslim sa Mindanao.
Bukod sa MILF ay patuloy pa rin ang pakikibaka ng New People’s Army para sa sarili nitong estado katulad ng bansang Tsina. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment