Friday, September 17, 2010

Robin Padilla, itinakwil ng mga Muslim!

Mga babaeng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front sa isang pagtitipon sa Mindanao. Dismayado ang maraming mga Muslim sa balitang pagtalikod ni action star Robin Padilla sa kanyang relihiyon matapos na ikasal kay Mariel Rodriguez sa isang Ibaloi ritual (Igorot) sa Baguio City kamakailan. (Kuha ng Mindanao Examiner)


COTABATO CITY, Philippines (Mindanao Examiner / Sept. 17, 2010) – Dismayado at gulat, galit at pagkasuklam ang nararandaman ng maraming Muslim sa biglaang pagtalikod ni Robin Padilla sa kanyang Islamic faith dahil lamang sa pagpapakasal kay Mariel Rodriguez sa Baguio City.

Si Robin ay isang Balik-Islam at isinuko na nito noon ang buong buhay sa pagpapalaganap ng kanyang relihiyon matapos na makulong ng mahabang panahon sa kasong illegal possession of firearms.

Ngunit nabigla ang maraming Muslim sa Mindanao matapos na mabalitaanang tinalikuran nito ang Islam matapos na ikasal kamakailan kay Mariel ng isang “mambunong” o katutubong pari ng mga Ibaloi o Nabaloi, isang indigenous tribe sa hilagang Luzon at sa Cordillera region at kabilang sa mga hanay ng Igorot.

Kasama ni Robin ang ilang kaanak nito, gayun rin si Ali, ang kanyang bunsong anak sa unang asawa na si Liezel Sicangco.

Sa pangalan pa lang ng anak ni Robin ay Muslim rin ang dinala nito at gayun rin si Queenie na ilang ulit nagtungo sa Mindanao para sa ibat-ibang humanitarian mission na pinakinabangan ng maraming mga Muslim.

Malimit pa umanong naka-turong si Queeni sa tuwing nasa Mindanao dahil sa kanilang relihiyon. Bukod kina Ali at Queenie ay may dalawa pang anak si Robin at Liezel na sina Kylie at ZhenZhen.

Nabatid pang gumamit sina Robin at Mariel ng mga bahag na tradisyon naman ng mga Igorot. Mistulang ibinasura na rin ng action star ang lagging gamit nitong skull cap at shawl na tradisyonal naman sa mga Muslim. May lahing Igorot ang angkan ni Robin dahil ang ina nitong si Eva CariƱo ay isang Igorot.

Ayon naman sa ulat ng ABS-CBN ay benindisyunan ng Ibaloi priest sina Robin at Mariel. “Pinainom ng tapuy o rice wine bilang simbolo ng kanilang pagmamahalan. At sumayaw pa raw ng tayao, isang katutubong sayaw para ipaalam sa publiko na sila'y kasal na.”

“Nagkatay din daw ng baboy. Ipinahid sa pisngi ang dugo para ipakita na sila'y legal na kasal sa kulturang Igorot,” ani sa ulat.

Nagtagal umano ng isa't kalahating oras ang kasalan at matapos nito ay muling ikinasal ang dalawa sa isang pastor sa loob ng bahay sa Baguio.

Binatikos naman ng isang religious leader na nagpakilalang si Imam Abdul Malik ang biglaang pagtalikod ni Robin sa kanyang paniniwala kay Allah at sa relihiyong Islam at mas matindi umano ang pagkatay ng baboy at pagpahid ng dugo nito sa mukha ng action star na isa umanong “haram” o mahigpit na ipinagbabawal sa mga Muslim.

Bawal kasi sa Islam ang anumang may kinalaman sa baboy dahil marumi ang tingin ng mga Muslim sa nasabing hayup base na rin sa turo ng Quoran, ang holy book ng mga ito.

“That is blasphemy. Robin has indirectly relinquished his Islamic faith when he accepted the fact that the animal was sacrificed and its blood wiped on his face as part of the Ibaloi ritual. That is haram, that is forbidden,” ani ng Imam sa panayam ng Mindanao Examiner.

Idinagdag pa nitong: “He shall be punished (by Allah) in the afterlife. Robin is deemed incommunicado.”

Maging ang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ay nagulat at nadismaya rin sa balita at sinabing mahina ang pananalig ni Robin sa kanyang relihiyon at paniniwala.

“It is like a test on our faith. Isang malaking pagsubok iyan kay Robin pero nabigo siya, bigong-bigo at automatic ay nawala na sa kanya ang isang pagiging Muslim. Islam is sacred and what he did is haram,” wika naman ni Von-Al Haq, ang spokesman ng MILF. (Mindanao Examiner)

No comments: