Thursday, September 16, 2010

Tropang Kano, pinalalayas sa Pinas!



Naglunsad ng isang protesta ngayon Huwebes, Setyembre 16, 2010 sa lungsod ng Cotabato sa Mindanao ang ibat-ibang grupo na tutol sa pananatili ng mga tropang Amerikano sa bansa. (Larawan ng Kawagib Human Rights)


COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Sept. 16, 2010) – Isang protesta ang inilunsad sa lungsod ng Cotabato ngayon Huwebes ng mga grupong tutol sa pananatili ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

Pinangunahan mismo ng US Troops OUT Now! Mindanao Coalition ang nasabing protesta kaugnay ng paggunita sa pagpapasara sa mga base militar ng Estados Unidos sa bansa nuong 1991.

Ayon sa OUT Now! Coalition ang September 16 ay makasaysayang araw dahil nagpapakita lamang ito ng tagumpay ng diwa ng patriyotismo ng sambayanang Pilipino laban sa pananatili ng mga tropang Amerikano at ang panghihimasok ng gobyerno ng Estados Unidos sa pamahalaan ng bansa.

“Hindi pa natatapos ang ating laban para sa tunay na kalayaan, hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin ang presensya ng mga tropang kano lalo na sa Mindanao at ang pagsali nila sa mga operasyong militar sa lugar na mayroong armadong tunggalian na nagreresulta sa mga paglabag sa karapatang pantao,” ani Michael Dumamba, ang convenor ng koalisyon ng ibat-ibang progresibong grupo.

Nanawagan din ang grupo na muling sariwain ang diwa ng pagiging palaban ng mga Pilipino at isulong ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement dahil sa maraming kaso diumano ng paglabag sa karapatang pantao at pagyurak sa pambansang soberanya ng Pilipinas.

No comments: