Wednesday, December 29, 2010

Kontrabandong bala nasamsam sa Zamboanga City

Isang angulo ng Port of Zamboanga na kuha mula sa isang ferry. (Mindanao Examiner Photo)


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 29, 2010) – Nasamsam ng mga awtoridad sa Zamboanga City sa Mindanao ang isang cargo ng mga bala at patalim mula sa ferry na patungo sana sa lalawigan ng Tawi-Tawi sa katimugan ng bansa.

Nadiskubre ang cargo matapos na magsagawa ng inspeksyon ang mga kawani ng Coast Guard sa Port of Zamboanga nuong Martes ng gabi matapos na walang umako sa mga ito. Inupuan umano ng isang K9 ng Coast Guard ang naturang kargamento sa M/V Magnolia Fragrance kung kaya’t lalong itong nagpatibay ng hinala na may pulbura ito sa loob.

At ng buksan ito ay doon na bumulaga ang sari-saring bala mula machine gun hanggang .45 kalibre pistola at mga patalim. Hindi naman agad mabatid kung sino ang may-ari nito, ngunit pangkaraniwan na sa mga barko sa Zamboanga City ang makapagkarga ng mga kontrabando dahil hindi naman mahigpit ang pagsisiyat sa mga cargos na isinasakay sa barko.

Sira rin ang mga x-ray machines ng Port of Zamboanga kung kayat lalong hirap ang pagbabantay. Malimit rin na pumapasok sa Port of Zamboanga ang mga pribadong sasakyan na may mga kargamento ng hindi dumaraan sa inspeksyon. (Mindanao Examiner)

No comments: