Wednesday, May 11, 2011

NLRC Sheriff inutas sa Zamboanga


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 11, 2011) – Patay ang isang sheriff ng National Labor Relations Commission sa Zamboanga City matapos itong ratratin ng dalawang armado na nakabuntot lamang sa biktima.

Sakay umano ng kanyang motorsiklo si Danilo Tejada at angkas pa ang asawa nito ng maganap ang pamamaril kamakalawa ng gabi sa Barangay Boalan. Masuwerte naman ang asawa nitong si Anabelle at hindi ito nabaril.

Kagagaling lamang pagsamba sa Iglesio ni Cristo ang mag-asawa at pauwi na sa kanilang bahay ng maganap ang krimen. Ayon sa pulisya ay apat na beses umanong binaril si Tejada, ngunit wala pang linaw ang motibo sa pagpatay.

Subalit sinabi ng asawa ng biktima na posibleng may kinalaman sa trabaho ang dahilan ng pagpatay. Si Tejada umano ang humawak sa kaso ng mga barter traders sa Zamboanga ng sila’y paalisin sa kanilang puwesto.

“Binaril ako o tignan mo,” ani pa umano ng biktima sa asawa habang hawak ang dibdib bago ito nalagutan ng hininga.

Nagmamakaawa naman ang asawa ni Tejada na bigyan ng hustisya ang pamamaslang sa 58-anyos na sheriff na ayon sa kanyang mga kasamahang ay likas na mabait at mahilig lamang kumanta sa karaoke.

Talamak ang patayan sa Zamboanga at paging dahilan ng pulisya sa mga krimen ay personal grudge at madalas rin sabihin ng mga opisyal na ang mga ito'y isolated cases lamang. Subali't kalat rin ang mga gun-for-hire at sa naturang lungsod at ito ang hinihinalang nasa likod ng maraming krimen. (Mindanao Examiner)

No comments: