Thursday, June 16, 2011

Muslim sa Sulu nag-rally kontra cup noodle maker


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 16, 2011) – Halos 5,000 Muslim ang nag rally sa bayan ng Jolo sa lalawigan ng Sulu upang kondenahin ang umano’y mislabeling ng isang kumpanya na gumagawa ng mga cup noodles.

Ang rally nitong Miyerkoles dinaluhan ng ibat-ibang grupo ng mga Muslim at imam upang kondenahin ang umano’y paglalapastangan sa kanila. Halal umano at “Beef Flavor” pa ang nasa label ng cup noodles, ngunit ng alisin ang pakete ay tumambad na “La Paz Batchoy” pala ang tunay na laman nito.

“Basta pera na wala na. Kawawa naman kami,” ani Sulu Gov. Sakur Tan, na isa rin Muslim, ng tanungin ng mga mamamahayag doon ukol sa naging eskandalo sa cup noodles.

May tsitsaron pa umano ang nasabing label kung kaya’t matindi ang galit ng mga Muslim sa kumpanyang gumawa nito dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang ang pagkain ng anumang may halong karne o lasa ng karne ng baboy.

Ang baboy ay itinuturing na “haram” o bawal sa mga Muslim. Subali’t naging isyu rin ang tatak na “halal” na ang ibig sabihin ay naaayon sa Islam.

Sinunog rin ng mga nag-protesta ang mga iba pang produkto ng nasabing kumpanya at nasampahan na rin umano ng kaso ito dahil sa mislabeling. Wala na rin umanong tumatangkilik sa mga produkto ng nasabing kumpanya sa naturang lalawigan. (Mindanao Examiner)

No comments: