CEBU CITY (Mindanao Examiner / 26 Dec) – Limang gusali sa Cebu Provincial Capitol compound ang nasunog matapos na umano'y magliyab ang loob ng tanggapan ng Capitol Security Unit sa ikalawang palapag.
Ayon sa Bureau of Fire ay nagsimula ang sunog dakong 1.30 ng madaling araw ng Martes at kumalat ito sa iba pang mga tanggapan. Kabilang sa mga natupok ng apoy ay ang mga tanggapan ng Vice Mayor's League, isang cooperative ng Cebu Court of First Instance, General Services Office, Cebu Provincial Planning and Development Office at ang Philippine Information Agency.
Patuloy ang imbestigasyon sa sunog ngunit malaki ang hinala ng Bureau of Fire na posibleng faulty electrical wiring ang dahilan nito. Ngunit sinisipat rin ng mga awtoridad kung sinadya ang sunog upang pagtakpan ang anumang katiwalian sa mga tanggapan.
Nasunog rin umano ang bahagi ng tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines, ayon sa isang bumbero. Hindi pa mabatid kung magkano ang pinsala sa sunog, ngunit tinatayang aabot ito sa mahigit P10 milyon.
Walang inulat na nasawi o sugatan sa sunog sa Cebu, subalit sa lungsod ng Ormoc ay 24 na katao ang kumpirmadong patay matapos na sumabog ang isang pagawaan ng paputok sa kaarawan ng Pasko.
Nasunog rin ang katabing department store nito kung kaya't na-trap umano ang maraming tao.Tinanggka pa ng mga ibang tumakas sa banyo ngunit nabigo ang mga ito.
Mahigit sa isang dosena rin ang nasaktan at nasunog ang katawan at ngayon ay nasa dalawang pagamutan sa Ormoc. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment