MANILA (Mindanao Examiner / 27 Feb) - ITINATANGGI kanina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dinukot o itinago nito ang isa sa itinuturing na mataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) na si Leo Velasco.
Binigyang-diin ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na isang propaganda lamang ng komunistang grupo ang pagdidiin sa militar na nagtago umano sa gerilya.
Sinabi ni Bacarro na wala sa kanilang kustodiya ang rebeldeng lider batay na rin sa impormasyon ng military commanders nito sa Cagayan de Oro City.
Katwiran ng tagapagsalita, isang high ranking personality si Velasco at kung totoong hawak na nila ito ay agarang ilalantad sa publiko.
Hinahamon na ng rebeldeng grupo ang militar at pulisya na ilutang si Velasco na ayon kay CPP spokesman Gregorio Rosal ay dinukot ng mga tauhan ng gobyernong Arroyo.
Nagpadala na rin ng liham si Luis Jalandoni, chief peace negotiator ng National Democratic Front (NDF), kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang ilabas si Velasco na mayroong immunity dahil sa paggiign accredited consultant ng mga rebelde.
Puwersahan umanong tinangay ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Velasco noong Lunes at isinakay sa isang L300 na may plakang LCV 513 sa Cagayan de Oro.
"We have received information that they were summarily executed after being severely tortured," babala ni Rosal.
Ilang ulit na rin inakusahan ng mga militanteng grupo ang militar na umano’y nasa likod ng pagpatay sa daan-daang mga aktibista mula ng umupo si Pangulong Arroyo nuong 2001.
Itinanggi ng militar ang lahat ng akusasyon.
Nag-alok naman ng tulong ang Estados Unidos sa mga awtoridad ng Pilipinas upang siyasatin ang serye ng extrajudicial killings na ibinibintang sa AFP.
Sa panayam sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni US ambassador to the Philippines Kristie Kenney na handa ang Amerika na makiisa sa mga paraan upang maresolba ang mga insidente ng political killings at mapanagot ang tunay na responsable.
"We'll certainly be delighted to do more. The sovereign nation of the Philippines needs to let us know how we can help," ani Kenney.
"If we can share ideas and thoughts on how to investigate, we're delighted to do so," dagdag nito.
Itinuturing ni Kenney na seryosong problema ang extrajudicial killings bagamat tinukoy na nito ang mga hakbang ng pamahalaan tulad ng magpapalakas ng pagpapahalaga sa human rights upang matigil ang naturang mga insidente.
"The key now is to follow up, to investigate, to fortify the institutions that investigate, to hold people responsible, therefore the innocent, declare them innocent," pahayag pa ng envoy.
Iminungkahi rin ni Kenney sa gobyerno na magbigay ng sapat na proteksyon sa mga testigo upang mapabilis ang proseso ng kaso.
Tikom naman ang US ambassador sa resulta ng pagsisiyasat ni UN Special Rapporteur Philip Alston na iniuugnay sa militar ang 800 kaso ng pagpatay mula noong 2001. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment