TANAY, RIZAL (Mindanao Examiner / 27 Feb) - BUMIGAY ang special General Court Martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa matagal ng hirit ng mga abogado ng pinaparatangang nagplano ng bigong kudeta noong Pebrero ng nakaraang taon.
Kasunod ito ng ipinag-utos na pamamahagi ng sipi ng resulta ng pre-trial investigation na naging batayan ng mga kasong isinampa laban sa 28 opisyal ng Philippine Marines at Army Scout Rangers.
Gayunman, nabigo pa rin ang military court na mabasahan ng sakdal ang mga akusado bunsod ng patuloy na pagkuwestyon ng depensa sa legalidad ng panel na pinamumunuan ni Southern Luzon Command Chief Lieutenant General Alexander Yano.
Mahigpit ang pagtanggi ng mga opisyal na ma-arraign hanggat hindi nakukuha ang kopya ng pre-trial report.
Kasabay nito'y itinuturing ni Atty. Frank Chavez, tumatayong abogado ni dating Marine commandant Major General Renato Miranda, na isang maliit na panalo sa kanilang panig ang desisyon ng general court martial.
"Finally, they capitulated. We do not crow on this petty development but in a way, yes," ani Chavez kanina.
Mayroong 15 araw ang mga abogado ng coup plotters na maghain ng reply o mosyon sa sandaling makuha ang kopya ng PTI report.
Samantala, naninindigan naman si Yano sa legalidad ng military court at magpapatuloy ang proseso nito hanggat walang atas ang Korte Suprema o Court of Appeals na ipatigil ang mga paglilitis. Ipagpapatuloy ang susunod na hearing sa Marso 16.
Samantala, ipinag-utos naman ng AFP ang paglilipat ng piitan ng mga opisyal ng Philippine Marines upang pag-isahin na ang mga dawit sa bigong kudeta.
Hindi na pinalabas ng Kampo Capinpin ang 9 opisyal ng Marines at si Army Captain Dante Langkit buhat sa Fort San Felipe, Cavite at Intelligence Security Group (ISG) detention facility at Naval detention sa Fort Bonifacio, Taguig kasunod ng isinagawang pagdinig ng General Court Martial sa kanilang mga kaso.
Ang isa pang Marine officer na si Lieutenant Colonel Januario Caringal ay naka-confine pa rin sa Manila Naval Hospital dahil sa sakit nito.
Isasama na ang Marine officials na kinabibilangan ni dating Marine Commander Major General Renato Miranda at Colonel Ariel Querubin sa kulungan ng 18 Scout Rangers kung saan ay nakakulong rin si Brigadier General Danilo Lim.
Pumalag naman si Querubin sa naturang hakbang ng AFP leadership na aniya'y hindi makatarungan para sa hindi pa convicted na inaakusahang opisyal ng militar.
"Ayaw namin," ani Querubin.
Hindi rin umano nagawang makapag-impake ng kanilang mga gamit ang 5 opisyal ng Marines na nakaditine sa Cavite bagamat naihanda naman nina Miranda ang kanilang paglipat.
Kasunod nito'y dumipensa si AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro sa direktiba ni Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na aniya'y bukod sa ginhawa na maidudulot sa mga akusado ay mahalaga ang seguridad ng mga ito kaysa sa ibinibyahe pa mula sa Cavite at Maynila patungong Rizal. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment