MAYNILA (Mindanao Examiner / 21 Peb) - INIUTOS kanina ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr., ang madaliang imbestigasyon ng General Court Martial sa 28 opisyal na idinadawit sa bigong kudeta noong Pebrero ng nakaraang taon.
Agad na pinatatakda ni Esperon kay Court Martial President at Southern Luzon Command (SOLCOM) Chief Lieutenant General Alexander Yano ang pagbasa ng sakdal sa grupo nina dating Marine commandant Major General Renato Miranda, dating Scout Rangers chief Brigadier General Danilo Lim at Marine Colonel Ariel Querubin.
"I told him to convene the court immediately and go for it. Military justice must take its due course," ani Esperon.
Gayunman, aminado si Esperon na maaari pa ring maantala ang proseso ng paglilitis sa mga sinasabing coup plotter bunsod ng kanya-kanya taktika at hamon ng mga depensa nito.
"There will be delays, but, for sure, it will be a steady process and I'm sure on February 27, we hope to finally convene the court martial," dagdag ni Esperon.
Nakadalawang pagdinig na ang General Court Martial subalit bigo pa ring ma-arraign ang mga akusado, gayundin, ang pormal na panunumpa ng mga miyembro ng hukuman at ipagpapatuloy ito sa Pebrero 27. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment