Wednesday, February 21, 2007

CPP-NPA, Kumita Ng P50-M Sa Halalan; 2 Rebelde Lagas Naman Sa Labanan

MAYNILA (Mindanao Examiner / 21 Peb) - NAGKAMAL ng tinatayang P30 hanggang P50 milyon ang New People's Army (NPA) sa inilunsad na pangingikil nito noong panahon ng kampanya ng May 2004 elections.

Inihayag ito kanina sa isang pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ni Occidental Mindoro Governor Josephine Sato, na isa rin sa biniktima diumano ng komunistang grupo, na magbayad ng "permit to campaign" fee upang hindi masabotahe sa pangangampanya.

Ang mga liham na ipinadadala aniya ngayon ng NPA sa mga kandidato ay katulad ng mga naunang extortion letter na kanyang natanggap noong panahon ng nakalipas na mga eleksyon.

"This time, all incumbent local officials have decided that we will not pay [the rebels]," ayon kay Sato.

Gayunman, umamin si Sato na nagbayad ito ng campaign fees sa NPA sa halagang P20,000 noong kumandidatong bise-gobernador noong 1988.

Samantala, walang nakikitang dahilan ang militar upang magpatangay ang mga kandidato sa NPA at magbayad ng permit to campaign fee.

Ayon kay Colonel Mario Chan, commander ng 204th Infantry Brigade ng Philippine Army, wala ng suporta sa komunidad ang mga gerilya at patunay rito ang pagpapalakas nila ng recruitment na kahit ang mga menor de edad na kabataan ay hinihinakayat sa kilusan.

2 NPA Patay

Samantala, napatay naman ng militar ang dalawang hinihinalang miyembro ng NPA kasunod ng engkuwentro kanina sa lalawigan ng Camarines Sur.

Nabatid kay 902nd Infantry Brigade commander, Brigadier General Nestor Sadiarin, na dakong alas-2 ng hapon nang makasagupa ng mga elemento ng 42nd Infantry Battalion ang tinatayang 15 rebelde sa bisinidad ng Barangay Aniog, Sangay, sa naturang lalawigan.

Narekober sa lugar ng insidente ang dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, at isang kalibre .38 revolver. Nagpadala na ng karagdagang puwersa ang militar sa lugar upang tugisin ang mga tumakas na komunista. Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa panig ng militar. (Juley Reyes)

No comments: