MAYNILA (Mindanao Examiner / 20 Peb) Sinigurado kanina ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. na hindi maabuso ng militar ang pinagtibay na anti-terrorism bill.
Ipinunto ng heneral na may kaukulang safety measures tulad na lamang ng pagmumulta ng P500,000 sa bawat araw na ikinulong ang maling suspek sa terorismo bukod pa sa pinaikli na rin ang araw ng detensyon sa mga hindi pa nakakasuhang suspek.
Mula sa rekomendasyon ng militar na labing-limang araw ay ginawa na lang ito na tatlong araw ng mga mambabatas.
“It (anti-terror bill) tells us to be more efficient in identifying suspects before we grab them,” ani Esperon sa Mindanao Examiner.
Positibo pa si Esperon na malaking tulong ang batas laban sa terorismo upang tuluyang maipanalo ng pamahalaan ang giyera sa mga terorista sa bansa.
“It’s a good start, excellent start rather than having no law at all on terrorism, just imagine we have been subjected to the terrorist deprivations and yet we have no law, we have no specific law on terrorism,” dagdag ng heneral.
Wala namang kuwestyon ang AFP Chief sa inilatag na kahulugan ng terorismo ng dalawang Kapulungan ng Kongreso bagamat unang inalmahan ng mga grupo ng human rights.
Sa depinisyon ng bicameral conference committee version ng Anti-Terror Bill, ang terorismo ay ang anumang hakbang na lilikha ng pagkatakot at pagkaligalig ng populasyon at upang puwersahin ang gobyerno na tumugon sa isang ilegal na kahilingan. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment