Tuesday, February 20, 2007

Ekstorsyon Ng NPA Sa Eleksyon Tututukan Ng Militar

MAYNILA (Mindanao Examiner / 20 Peb) – Titiyakin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi kikita ng malaki ang Communist Party of the Philippines-New People's Army sa mga raket nito ngayong halalan.

Sinabi ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr., na mahigpit ang pagmomonitor na inilunsad ng militar sa mga aktibidad ng rebeldeng grupo, lalo na sa mga lugar na inaasahang mainit ang labanan ng eleksyon.

Sapagkat limitado na lamang ang papel ng AFP sa halalan, ayon kay Esperon, mas matutukan na ang kilos ng mga gerilya. Kasado na aniya ang checkpoints ng militar habang walang humpay ang opensiba sa mga kuta at balwarte ng CPP-NPA.

Noong nakaraang May 2004 elections, humakot umano ng multi-milyong piso ang komunistang grupo sa pamamagitan ng paniningil ng permit to campaign.

Subalit ngayon, inihayag ng Philippine National Police ang panibagong sistema ng pangingikil ng mga rebeldeng komunista sa darating na eleksyon.

Ayon naman kay Police Deputy Director General Avelino Razon, Jr. mula sa permit to campaign ay permit to win na ang bagong raket ng mga gerilya.

Hindi nito batid ang halaga ng inihihirit ng mga komunista subalit tiyak na mas mataas ang presyo nito sa permit to campaign na obligadong bayaran ng mga kandidato.

Umapela si Razon na huwag magpa-uto o bumigay ang mga kandidato dahil walang katiyakan na maipapanalo ang halalan kung magbabayad sa NPA. Binatikos rin ng heneral ang NPA sa pagtatanggal sa mga mamamayan ng karapatan na piliin ang nais na iluklok sa posisyon.

Pananakot, extortion at pagpatay aniya ang mga paraan ng NPA para masuportahan ang mga kandidatong papangakuan nilang manalo sa eleksyon.Ginagawa naman aniya ng PNP ang lahat ng makakaya upang masugpo ang panibagong extortion ploy ng komunista. (Juley Reyes)

No comments: