Friday, March 02, 2007

Ara Mina Nakipagsayaw Sa Komunista; AFP Umalma!

MANILA (Mindanao Examiner / 02 Mar) - PINALAGAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginagawang pagpapasarap ni National Democractic Front (NDF) leader Jose Ma. Sison sa Netherlands habang naghihirap ang mga miyembro ng komunistang grupo sa kabundukan.

Tinukoy kanina ni AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro ang website ni Sison (www.josemariasison.org) na naglalahad ng mga larawan kung saan ay nakikipagsayaw pa sa artistang si Ara Mina ang communist leader.

May larawan rin ang mang-aawit at artistang si Janno Gibbs kasama sina Ara, Sison at NDF panel chief negotiator Louie Jalandoni na kinuha sa isang Christmas party noong nakaraang taon.

Binigyang-diin ni Bacarro na habang nagsasakripisyo at nagtitiis sa gutom ang mga rebeldeng nakikipagsagupa sa militar, relaks na relaks at maginhawa ang buhay ng kanilang lider.

"Yung mga tao nila sa ibaba ay naghihirap dahil sa naniniwalang may ipinaglalaban, samantalang si Sison ay nag-eenjoy sa buhay at ang lahat ng amenities ay nasa kanya," ani Bacarro.

Wala naman aniya sanang masama kung may social life si Sison subalit hindi na nito kailangang ipagyabang pa na tanda na hindi sensitibo ito sa kalagayan ng mga miyembro.

"I pity them. They should challenge him. There's nothing wrong with enjoying social life but he should not boast it. Maybe, nag-e-ego tripping sya," dagdag ng opisyal.

Idineklarang terorista si Sison ng Estados Unidos at European Union.

Agad namang dumipensa si Bacarro sa pagkukumpara sa gawain ni Sison sa mga lider ng AFP na nagpapasarap rin habang tinutugis ng mga sundalo nito ang mga bandido at rebelde.

Hindi naman agad makunan ng reaksyon ang CPP ukol sa batikos ng AFP. Ngunit ayon sa mga supporters ni Sison sa Mindanao ay inggit lamang umano ang militar dahil mas magandang lalaki diumano ang CPP leader kaysa Gen. Hermogenes Esperon, ang AFP Chief of Staff.

Pede naman umanong imbitihan ng AFP ang komedyanteng si Pokwang para sumayaw rin sa mga opisyal ng militar. (Juley Reyes, with a report from Juan Magtanggol in Mindanao)

No comments: