MANILA (Mindanao Examiner / 07 Mar) – Dimudistansya umano ang Commission on Elections (Comelec) sa usapin ng pinapalagang pagpapakalat ng mga sundalo sa Kalakhang Maynila kung mapatutunayang bahagi ito ng opisyal na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ito kanina ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro kasunod ng pakikipagpulong ng militar sa mga opisyal ng Comelec.
Paliwanag ni Bacarro, ipinahayag umano ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na hindi nito pipigilan ang inilulunsad na pagsasanay at community service ng mga sundalo sa Metro Manila kung may sapat na batayan ang hakbang.
Naninindigan naman ang tagapagsalita ng AFP na purong military operations ang kanilang layunin sa troop deployment sa Metro at malinaw sa mga miyembro nito ang pagdistansya sa partisan politics.
Nagsumite na rin ng pormal na paliwanag si AFP National Capital Region Command Chief Major General Benjamin Dolorfino sa Comelec hinggil sa nasabing isyu. Samantala, bukas ang AFP sa pagsisiyasat ng Commission on Human Rights (CHR) sa kinukuwestyong deployment ng militar.
Ayon kay Bacarro, mas makakabuti na ang nasabing hakbang upang mapatunayang walang nilalabag ang AFP sa hangaring makatulong sa komunidad para panatilihin ang peace and order.
Maging ang mga kasong isinampa laban sa AFP ay magbibigay – daan aniya upang lumutang ang katotohanan.
"Mas magandang idinaan nila sa right forum kaysa naman sa trial by publicity," ani Bacarro sa pahayagang Midnanao Examiner. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment