Tuesday, March 20, 2007

Dahil Sa Utang, Dayuhan Nagpatiwakal Sa Cebu

LAPU-LAPU CITY (Mindanao Examiner / 20 Mar) – Isang South Korean national na umano’y lubog sa utang ang nagpakamatay sa loob ng kanyang tinutuluyang hotel sa Lapu-Lapu City sa Cebu province.

Kinilala ng pulisya ang dayuhan na si Kang Hong Saok at ayon sa imbestigasyon ay naganap diumano ang pagpapatiwakal bago maghating-gabi kamakalawa.

Patay na ng dumating sa pagamutan ang dayuhan. Isinailalim na rin sa paraffin test ng pulisya ang mga kamay ni Kang Hong Saok upang mabatid kung talagang nagpakamatay ito.

Isang tama ng bala mula sa .38-kalibre ang tumagos sa sintido nito na tumagos naman sa kabilang ulong nito.

Nabawi rin ng pulisya ang nasabing baril sa tabi ng bangkay ng dayuhan.

Hindi naman mabatid ang dahilan kung bakit ito nagpakamatay, ngunit ayon sa mga kaibigan nito ay baon diumano sa utang ang biktima at posibleng ito ang nagtulak sa kanyang wakasan ang sariling buhay.

Tubong Kyung Gido sa South Korea ang nagpatiwakal, subali’t matagal-tagal na rin umanong namamalagi sa Cebu. Hindi naman sinabi ng pulisya kung may asawa itong Pinay at kung ano ang negosyo.

Maraming mga South Koreans ang naninirahan sa Cebu. (Mindanao Examiner)

No comments: